Noong 2016, matapos kong ipasa ang manuscript ng aking libro sa unang publishing house na sinubukan kong pagpasahan, hiningan ako ng mga kuwentong katatawanan mula sa med school upang mabalanse ang mga mabibigat na istorya mula sa residency training. Heto ang anim na kuwentong nahalungkat ko mula sa blog ko noong ako ay medical student pa. Wala ito sa librong ilalabas ng U.P. Press sa susunod na taon. Ito ay para sa lahat ng med student na kasalukuyang nahihirapan subalit patuloy na umaasa at hindi sumusuko sa laban.
1: Isang Malaking Pasaway
Ako ay isang malaking pasaway. Noong Lunes, pangalawang lecture nang araw na iyon para sa Ophthalmology, ako ay napagalitan ng lecturer dahil nahuli niya akong natutulog sa klase. Sa gitna ng lecture, sinabi raw ng prof namin sa isang mataray na boses (At syempre hindi ko narinig dahil tulog nga ako!):
“Excuse me, can you wake your sleeping classmate? The one in blue. I am distracted. Is he post-duty? If you want to sleep, you can leave the room and sleep outside. I won’t mind.”
Sa buong block namin, ako lang ang kaisa-isang naka-scrub top noong araw na iyon. Kulay matingkad na blue. Hindi ako post-duty dahil wala namang duty ang third year rotation sa Ophthalmology. Naka-scrub top ako dahil may outpatient clinic sa hapon, mainit, at tinatamad akong mag-white uniform.
Sa gitna pa ako nakaupo. Hindi ako sigurado kung ang ginamit na salita ay “distracted” o “annoyed.” Pero sigurado ako, hindi lang ako ang natutulog. Nagkataon lang na ako ang kitang-kita. Hindi man lang ako tumungo o nagtago sa likod ng kaklase ko. Sa pagkakatanda ko, nananaginip na ako ng mga sandaling iyon. Namalayan ko na lang, ginigising ako ng katabi ko, at ako ay napausal ng dali-daling “Errr, sorry po.”
Shit.
Hindi ko naman talaga ginustong tulugan ang klase niya. Merong mga klase na sa sobrang eh tinutulugan ko talaga. Pero Lunes kasi iyun, at bangag na bangag ako sa paggising nang maaga dahil manggagaling pa ako ng Las Piñas papunta sa tinutuluyan kong apartment sa Maynila. Umaga ang lecture at hindi naman nagpapatawa ang lecturer. Kaya ayun, hindi ko namalayang ako ay hindi sinasadyang napaidlip at nanaginip na pala.
Haaaaay.
Pasaway.
Hindi ko na maalaala kung kailan ako huling napagalitan ng prof sa harap ng klase. Noong high school, nahuli na rin akong natutulog sa Math class ko. Ang sabi pa ng teacher ko noong patapos na ang klase, “O, gisingin niyo na si Ronnie, sabihin ni’yo tapos na ang Math period.”
Buti na lang at malapit ako sa teacher ko na iyon dahil siya ang trainor namin sa mga interschool contest. Naniniwala pa rin akong may halong biro ang kanyang sinabi.
Tungkol naman sa kahihiyan sa klase, wala namang isyu. Mga blockmate ko naman ang mga kasama ko kaya walang hiya-hiya. Siyempre, kantiyawan pagkatapos ng lahat. Pero tawa lang ako. Wala na naman akong magagawa. Nangyari na ang nangyari. Kung aantukin ka, aantukin ka talaga at makakatulog ka. Lahat naman nakakatulog, tiyempo-tiyempo lang ang minamalas. Kaya ayun, tawa na lang. Sabi nga nila, lahat tayo dumadaan diyan.
Pinatutunayan lamang nito na si Ronibats ay isa ring ordinaryong med student: paminsan-minsan ay napapagalitan ng prof, madalas ay nakakatulog sa klase.
Pangako, hindi na ako magiging pasaway muli.
2: Telebisyon
Kinailangan kong umuwi ulit ng bahay ngayon dahil hindi ko pa nadala kahapon sa apartment ang mga uniform ko. Oo, may pasok kami kahapon kahit SONA ni Gloria Macapagal-Arroyo. Kahit guguho na ang mundo, tuloy ang mga exam ko tuwing Lunes sa Internal Medicine.
Sumakay ako ng bus kanina, mga bandang alas-siyete ng gabi. Maayos naman dahil kahit umuulan, nakaupo ako. Madalas kasi, siksikan. Pero nung maupo na ako, bigla na lang akong naawa sa sarili ko.
Ang dahilan? May TV sa loob bus. Sumagi sa isip ko, ang tagal ko nang hindi nanonood ng TV.
Simula nung magpasukan, hindi na ako nakakapanood ng telebisyon. Una, wala kaming TV sa apartment. Pangalawa, kahit may mga TV sa bahay namin sa Las Piñas, walang cable at marami akong kaagaw. Eh ano pa nga ba ang gagawin ko, kundi magbabasa na lang ng kung anu-ano at mag-aaral. O mas maganda pa, itutulog ko na lang ang mga bakanteng oras.
Pero hindi eh. TV ‘yun! Dati, nung may TV pa kami sa apartment, araw-araw ko napapanood ang Spongebob Squarepants at ang panggabing balita. Noong isang taon ‘yun. Nung umalis na ‘yung housemate kong may-ari ng TV, wala na. Nagkatamaran na kaming mga naiwan na magdala o bumili ng telebisyon.
Isang game show ang palabas sa bus kanina. Pagdating sa may Baclaran, mas lalo akong naawa sa sarili ko. Maraming sumakay na pasahero at biglang napuno ang bus. Dahil may nga nakatayo na sa gitna, wala na akong makita. Ang ending, napilitan akong pagtiyagaan ang reflection ng TV screen sa tinted na bintana ng bus!
Halos manigas ang leeg ko sa pilit kong panonood ng TV. At sa tagal, pakiramdam ko, nagtataka ‘yung katabi kong taga-St. Paul, “Hmmm, may topak ata itong tumabi sa akin. Kanina pa nakatitig sa labas.” Kulang na lang, sigawan ko ang mga nakatayo sa gitna, “Parang awa niyo na, after 7 weeks, ngayon na lang ulit ako makakapanood ng TV. Tumabi-tabi naman kayo utang na loob.”
Hindi puwede ito. Noong bata ako, adik na adik talaga ako sa TV. Sabi nga ng Nanay ko, sa Batibot ako natutong magbilang, magsulat, at magbasa. Ang hilig-hilig ko nu’n sa Shaider, Maskman, at Takeshi’s Castle. Hindi ako nanood ng Bioman at Voltes V dahil English ang dialog; wala akong maintindihan. Tuwing tanghalian, ipinapalipat ko pa ang TV galing sa sala papuntang silid-kainan. Kasama ko naman maghapunan sina Enteng Kabisote at Faye. Kapag natapos na ako sa Internal Medicine at lumipat na ako ng Psychiatry, siguradong babawi ako sa maraming bagay.
TV ang una sa listahan.
3: Plantsa
Mahirap palang magplantsa ng med uniform. Napakaselan pala ng puting damit na ito. Kagabi, nakasunog ako ng isa. Paano ba naman kasi, nasanay ako sa pagpaplantsa ng maong at polo. Eh lagi akong naka-High setting. Tuloy, kagabi, natuluyan ‘yung isa sa limang pang-itaas ko ko.
Butas ang uniform ko sa init. Papunas-punas pa ako ng basang bimpo sa uniform, sunog din naman pala paglapat ko ng plantsa. Ang engot-engot ko talaga.
Hindi naman ‘yun dahil kahapon lang ako nagplantsa ng uniform. Siguro, mga limang beses ko na itong nagawa, pero kagabi kasi, ibang plantsa ang gamit ko. Nakita ko lang na nakatambak dito sa bago kong nilipatang apartment. Burado na ang mga setting (Low, Medium, High). Halos hindi mo na maaninag ang mga tuldok (Isang tuldok, dalawang tuldok, tatlong tuldok).
Nagitla talaga ko nung makita kong nabubutas ang uniform ko. Siguro, kung nasa harap kita nang mangyari ‘yun, gugulong ka katatawa. Kasinlaki ng hinlalaki ko yung butas.
Haaaaaay.
Kaya lang naman ako napilitang magplantsa eh dahil walang magpaplantsa sa amin sa bahay. Namamaga ang kamay ni Ate Bel, an gaming kasambahay na nakasanayan ko nang gumagawa noon.
Nung isang taon naman, nagpapalaba at nagpapaplantsa ako sa dorm. Hindi na ako nakatira doon ngayon kaya’t inuuwi ko na ulit sa bahay ang mga labahan ko. Malaki rin ang natitipid ko.
Pero ibig sabihin noon, napipilitan akong dalhin ang mga damit ko dito sa apartment sa Maynila nang hindi plantsado. Sabi ng Nanay ko, gawan ko na lang ng paraan. Ayoko rin namang pumasok na gusut-gusot ang damit.
Eh ‘di ginawan ko nga ng paraan. Ayun. Na-minus one.
Paano ko kaya sasabihin sa Nanay ko nang hindi napapagalitan?
4: KLANG!
Pre-duty ako kanina. Kapag pre-duty sa Ob-Gyne, sa Outpatient Department pumupunta ang mga estudyante. OK naman ang unang pasyente, nagpa-Pap smear. Marunong naman ako nu’n kaya’t hindi ako nahirapan.
Ang pangalawang pasyente, kakaiba ang idinadaing. Isa itong Nanay na kailangang magpalagay ng gamot sa cervix o kuwelyo ng matris.
Kumonsulta muna ako sa isang residente. Sabi ni Dr. V, isang napakabait na doktora, papasukin ko na raw ang pasyente sa isang cubicle. Kapag nakabuka na ang puwerta, tawagin ko lang siya at sisilipin niya kung ano ang kailangan.
Eh yun lang pala eh. Sige. Game.
“Nanay, pasok na po kayo sa cubicle tapos tanggal na ng panty. Bukaka po kayo, kukuha lang ako ng gamit.”
Kinuha ko ang bakal na speculum at ang tingting na may bulak sa dulo para sa gamot. Bumalik ako sa cubicle. Nakatihaya na si Nanay, nakabukaka, at nakalambitin ang dalawang paa. Maaari ko nang ipasok ang speculum.
Speculum ang tawag sa instrumentong ginagamit upang ibuka ang puwerta ng isang babae at masilip ang kanyang cervix. Sa PGH, karaniwan itong gawa sa bakal para maaaring linisin at i-sterilize upang magamit nang paulit-ulit. May mga speculum na disposable at gawa sa plastic. Mukha itong nguso ng pato. Syempre, iba’t iba ang laki ng nguso depende kung gaano kalaki ang puwertang paggagamitan.
“Dok, Dok, ang sakit naman!”
“Naku, sorry po.”
Dahan-dahan, dagdag ko sa isip ko.
Swak. Nakapasok rin sa wakas. Ibinuka ko ang nguso ng pato. Ayun, kitang-kita na ang dalawang tila pasas na nakalawit sa cervix. Ayun ang kailangang lagyan ng gamot.
“Teka lang po Nanay ha.”
Lumabas ako para tawagin si Dr. V.
Paglabas ko ng cubicle, habang naglalakad papunta kay Dr. V, bigla na lang may umalingawnga sa clinic:
“KLANG!”
Tunog bakal na nalaglag sa sahig!
Yari.
Balik sa cubicle.
“Dok, nalaglag po,” tila nahihiya pang sabi ni Nanay.
At ayun nga, nasa sahig ang duguang nguso ng pato.
Sa madaling sabi, hindi ko nai-lock nang mabuti ang speculum, kaya’t nang subukan iayos ni Nanay ang kanyang higa, ang nguso ay sumara at ang speculum ay nalaglag.
Napakamot ako sa ulo. Mabuti na lang, binigyan ako ni Nanay ng second chance. Pero mula noon, kagaya ng bawat pinto na aking lalabasan, sinisigurado ko munang naka-lock ang speculum bago ko iwan.
5: PLOK! PLOK!
Duty ako kanina. Sa Ward 15 ako naka-assign. Benign, kasi puro normal delivery lang ang mga pasyente sa ward na ito. Halos isang dosenang pasyente lang ang kailangan kuhaan ng vital signs, Q4 pa lahat. Ibig sabihin, every 4 hours lang.
May kailangang lagyan ng suwero. Palpak ako, pero buti na lang sinalo ng kasama kong intern nang hindi ko mai-shoot. May kailangang kuhaan ng dugo. Mabilis ko namang nahanap ang ugat. Hindi naluray ang braso ng pasyente.
At kung may nagpalagay ng suwero, meron ding nagpatanggal.
Alas-dos na nu’n ng madaling araw. Nag-iikot ako sa mga kama para kumuha ng vital signs. Blood pressure, heart rate, respiratory rate, temperature.
“Dok, dok, pwede na ho bang tanggalin itong suwero ko? Ubos na eh.”
Sure.
“Dok, hindi ba masakit? Mahaba yung karayom eh.”
Syempre pabibo naman ako.
“Wala nang karayom iyan, plastic na tubing na lang,” sabi ko sabay ngiti. Isa-isa ko nang tinanggal ng mga micropore tape sa kanyang kamay. Ambait-bait naman talaga!
Wala nang tape na kailangang tanggalin. At heto na, hahatakin ko na lang ang suwero. Damang-dama kong nakatitig ang pasyente.
Hawak sa kamay.
Hatak nang dahan-dahan.
Dahan-dahan.
Da- han. Da- han.
Hindi umaaray ang pasyente. Ayos.
At nahatak na ang suwero.
Pero may biglang sumirit sa kamay ng pasyente.
Pula.
Dugo.
Yari. Hindi pa pala ako nakakakuha ng sterile na bulak!
“Errr, Miss, puwede pakipisil muna dito? Dapat pala kumuha muna ako ng bulak. Sorry ha?”
Walang nagawa ang pasyente. Kahit anong pisil sa kamay, ayaw tumigil ng pagtagas ng dugo. Lakad ako nang mabilis pabalik sa nurses station. Kuha ng bulak. Balik sa bedside.
“PLOK! PLOK!”
Patuloy ang pagpatak ng dugo. Sa katunayan, hindi lang pagpatak kundi pagtagas. Madugo talaga. Unti-unting nakulayan ng pula ang t-shirt na nasa sahig.
Hindi na umiimik ang pasyente.
Binuksan ko ang bulak. Kinuha ko rin ang micropore tape. Hindi ko pa mahanap kung saan ang dulo nito. Bakit nga ba ang hirap hanapin ng dulo ng micropore tape kapag kailangang-kailangan mo nito?
Pero tagumpay.
Whew.
Sa wakas, umampat din.
“Thank you Dok.”
Sa isip ko, “Errr, thank you din. Pasensya na po, tao lang.”
Tantiya ko, mapupuno ng pumatak na dugo ang isang panyo. Kinuha ko ang bote ng suwerong wala nang laman. Naglakad ako pabalik sa nurses station sabay punas ng tagaktak na pawis.
Napulot na aral? Dumudugo ang kamay kapag hinatak ang suwero. I-ready na ang bulak at micropore tape bago gumawa ng kung ano.
6: Himbing
Post-duty ako kanina.
Ayun, natulog lang ako.
Tapos ang kuwento.
made my day!! ????
Baby steps of learning ?