Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Kung Bakit Mabigat sa Loob Umupo sa Triage

K

Tuwing magdu-duty ako sa ER, kasama sa mga trabaho ko bilang intern ang pag-upo sa triage. Ito ang pambungad na mesa kung saan kailangan kong tulungan ang triage officer, karaniwang ER resident o kaya ay rotator mula sa ibang department, na harapin ang mga pasyenteng kumukonsulta sa ER ng PGH. Sa loob ng itinakdang oras, kami ang magpapasya kung ang pasyente ay kailangang i-admit, papuntahin sa outpatient department, o palipatin sa ibang ospital. Ito ang trabahong hindi ko kailanman nagustuhan.

Nakadepende sa oras at araw ang dami ng taong dumadagsa sa triage. Kadalasang blockbuster kapag Lunes ng umaga dahil masarap magpunta sa ospital kapag Lunes, at kapag Biyernes o Sabado ng gabi, dahil mas maraming nadidisgrasya kapag mas maraming naglalasing. Halos walang pasyente kapag rumaragasa ang bagyo at humahampas ang hangin. Pagtila ng ulan, sunud-sunod naman ang mga pasyenteng alam kong tumawid pa ng baha. Malinis ang triage kapag may laban si Manny Pacquiao.

Pero hindi naman ang dami ng pasyente ang kinaaayawan ko sa triage. Pana-panahon lang naman kasi. Suwerte ngayon, malas sa susunod na duty. Ang pagpapaalis ng mga pasyente upang palipatin sa ibang ospital ang nakababagabag sa akin higit sa lahat.

Hindi naman kasi lahat ng pasyente ay puwedeng tanggapin ng PGH. Kapag puno na ang ward ng isang department at marami pa silang pasyenteng kasalukuyang nasa ER, walang nagagawa ang triage officer kundi i-turf ang mga pasyente. Napakadaling sabihin, pero napakahirap gawin sa tunay na buhay.

Noong huling duty ko lang, may isang matandang babaeng taga-Makati na nakaramdam ng biglaang pagkahilo kaya’t napasugod sa ER. Nang kuhaan ko ng blood pressure, 220/120. Mataas iyon. Maaaring na-stroke o kaya ay tumataas ang pressure sa ulo. Pero hindi na tumatanggap ng mga pasyente ang neurology kaya’t sinabihan silang maghanap ng ibang ospital.

Nagpumilit ang pasyente.

“Dok, parang awa ni’yo na. Dito lang kasi ako may card.”

Ang tinutukoy ng pasyente ay ang blue card na ini-issue sa lahat ng pasyente ng PGH, kung saan inililista ang bawat follow-up sa OPD at mga x-ray, ECG, o laboratory exam. Pero wala kaming magawa ng kasama kong triage officer kundi imungkahing maghanap ng ibang pampublikong ospital.

“Subukan ni’yo po kaya sa Ospital ng Makati?”

Mas nagpumilit ang anak, “Nakita ni’yo naman po ang kalagayan ng nanay ko. Kayo na rin po ang nagsabing kailangan niyang ma-admit sa ospital. Baka naman po puwedeng ipasok ni’yo na siya dito.”

“Kaya nga po,” ulit ng residenteng kasama ko, “Hindi kayo didiretso ng bahay, maghahanap po kayo ng ibang ospital pagkagaling ni’yo dito.”

Sa huli, ang tanging nasabi ng matanda ay, “Doktor, Doktora, salamat po.”

Tumingin siya sa mga mata ko at ng triage officer.

“Natanggap ko na po ang kapalaran ko dahil tinanggihan ni’yo ako sa ospital na ito. Kung ano man po ang mangyari sa akin, dahil hindi ko na po alam kung ano ang mangyayari sa paglabas ko, anak ko na lang po ang magbabalita sa inyo.”

Hindi siya nagtaas ng boses. Hindi siya nakipagsagutan. Walang bahid ng galit sa mukha nang sabihin niya ang mga salitang iyon. Saka sila umalis. Kung alam lang nilang awang-awa ako at ang kasama kong triage officer nang mga sandaling iyon. Kung puwede lang talaga silang i-admit ay ia-admit sila.

Madali rin akong mapagod sa triage, kahit madalas ay nakaupo lang naman ako sa likod ng mesa. Kapag nagkasabay-sabay na kasi ang mga pasyente, nag-uunahang magpalista ang lahat ng mga bantay. Mangungulit nang mangungulit.

“Dok, kami na po.”

“Dok, ako ang nauna.”

“Dok, emergency po.”

Mahirap kasing ipaintindi na emergency silang lahat at dadalawa lang ang taong nakaupo sa triage. Hindi nasusunod ang “First come, first served” dahil kailangang unahin ang mga nasa peligrosong kalagayan.

At mahirap ding ipaintindi sa ibang pasyente na may mga karamdamang pupuwede namang tignan sa outpatient department at hindi sa ER.

“Gaano na po katagal kayong inuubo?” (Naninilaw? Lumalaki ang tiyan? Sumasakit ang ulo?)

“Anim na buwan po.”

Kung anim na buwan na kasi ang nararamdaman ng pasyente, walang rason kung bakit hindi ito makapaghihintay ng kinabukasan upang matignan sa mga clinic sa OPD. Nang sa gayon, ang ER ay mabakante upang maipasok ang mga mas malala ang kalagayan.

Pero pinakamahirap ipaintindi sa mga bantay at pasyenteng nanggaling na sa ibang ospital na hindi basta-bastang tumatanggap ng pasyente ang PGH, kahit pa may dala silang mga referral letter na ang nakalagay naman ay “To: Hospital of Choice.” Dapat kasi ay tatawag ang doktor na dating may hawak sa pasyente upang makausap ang doktor na tatanggap sa PGH. At dapat ay pumayag ang doktor na tanggapin ang pasyente.

Kung tatanungin ang mga bantay, “Bakit pa ho ba kayo lumipat ng ospital, eh ilang araw na rin po kayong naka-admit?” ano pa nga ba ang kanilang isasagot kundi, “Dok, hindi na ho kasi talaga namin kaya (ang bayad), kaya nakipagsapalaran na kami dito.”

Mahirap, mabigat sa loob ang triage. Sa katunayan, sa kahuli-hulihang pag-upo ko rito bilang ER intern, nagkaroon ako ng pasyenteng pagdating sa harap ko ay walang kahit ano.

Ipinasok ng bantay ang pasyente at iniupo sa silya. Mag-isa ako noon sa triage dahil nag-intubate ang triage officer sa loob. Kukuhaan ko na dapat ng blood pressure ang matandang lalaki nang napansin kong, hmmmm, bakit hindi siya gumagalaw? Pinakinggan ko ang dibdib para maghanap ng tibok ng puso.

Walang kahit ano.

Walang heart rate, walang respiratory rate, at mas lalong walang blood pressure.

At wala nga pala akong kasama.

Wala na akong magawa kundi humiyaw gamit ang pinakamalakas kong boses, “CODE!”

About the author

Ron Baticulon

Ronibats is a pediatric neurosurgeon, teacher, and writer. In 2018, he won a Palanca award for the title essay of his first book, "Some Days You Can't Save Them All," published by The University of the Philippines Press. You can follow him on Twitter @ronibats.

Add comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Facebook

Twitter