Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Sa Aming Mesa

S

Walang hintayan. Iyan ang batas sa aming hapag-kainan. Oras na magtawag ang nanay ko ng “Kakain na!” tigil ang lahat ng gawain sa bahay – laro, computer, gitara at project. Hindi ka naman hahambalusin ng dos por dos kapag hindi ka sumunod, pero walang sisihan sakaling ang matira sa iyo eh butu-buto, kalahating baso lang ng Coke ang parte mo, o maubusan ka ng pisngi ng mangga.

Kaya naman tuwing hapunan ng Biyernes o Sabado, kung kailan lahat kaming limang magkakapatid ay nasa bahay at maaga ang uwi ng tatay ko galing trabaho, parang karinderya sa palengke ang pinagsamang kusina at silid-kainan namin. Malayo kami sa napapanood mo sa 7th Heaven. Ni hindi nga kami Munting Paraiso.

Bilog ang aming mesa. Bukod sa mas madaling nakapagsisiksikan ang walong taong kumakain nang sabay-sabay (tatay, nanay, limang anak at si Ate Bel, ang 18 taon na naming kasama sa bahay), naiiwasan ang pag-aagawan sa kabesera. Walang mantel. Walang placemat. Isang malaking tipak ng salamin na nakalapat ang gitna sa pabilog ring paang bakal—pinaglumaan ng pamilya ng tito ko. Hindi mauga, pero madalas mawala ang salamin sa gitna. Ilang beses nang muntik tumilapon ang lahat ng nakahain.

Oo nga pala, sa amin, kapag “nakahain na,” hindi ibig sabihin eh uupo na lang kaming mga anak na parang mga prinsipe’t prinsesa. Ibig sabihin lang noon, nasa mesa na ang kanin (may bagong saing at may bahaw, akin ang kaning-lamig) at ulam (isang bagong luto at isang galing almusal o tanghalian, lingguhan ang pag-uulit ng luto). Nasanay na kami sa KKKPBK: kanya-kanyang kuha ng plato, baso, kutsara’t tinidor. Opsyonal ang huli. Walang magbabawal sa iyong magkamay kahit masabaw ang ulam. Kung gusto mo, itaas mo pa ang iyong paa sa silya, ipatong ang siko sa tuhod, solb ka na.

Kung ikaw ang fluorescent lamp sa kisame, ang kauna-unahan mong mapapansin kapag tumitig ka paibaba eh mukhang nirambol na jigsaw puzzle ang aming mesa. May mga plato at basong babasagin, plastic at aluminum. Sa mga kubyertos naman, merong plastic-coated ang hawakan, kahalo ng mga kutsarang sumasandok ka palang ng kanin eh mapupugutan na ng ulo, nakangiwing mga tinidor at manilaw-nilaw na kutsarita. Buti na lang, matagal na naming itinapon ang mga ni-recycle galing Jollibee. Wala namang umaangal. Pwede ka namang mabusog kahit hindi color-coordinated ang mga ipinansasalpak mo ng pagkain sa bibig mo.

Wala ring seating arrangement. Oras na makahanap ka ng upuan (kulang ng isa o dalawang silya), pwede ka nang sumabak sa kain. Kung gusto mong magdasal, magdasal ka, pero walang sisita sa iyo kung babalewalain mo ang Last Supper na nakasabit sa dulo ng kusina. Pwede kang magtagal ng 30 segundo, 30 minuto, o 3 oras sa mesa, basta dalhin mo ang pinagka’nan mo sa hugasan. Tapos, sibat na.

Pero maski ok lang mag-“Eat and Run” sa amin, mas madalas na nagpapang-abot kaming buong pamilya sa hapag-kainan. Doon kami nagiging maligalig. Sali-saliwang kamay. Agawan sa hita ng manok, o sa laman ng nag-iisang pata, o sa buntot ng tilapya. Tumatapong toyo at patis. Nasasaging baso. Nalalaglag na kutsara. At madakdak nga pala kami kumain…

“O anong lowest grade mo ngayong sem?”

Tatay ko. Mas madalas na academics ang usapan sa mesa. Ikaw ba naman, magkaanak ng limang puro honor student, hindi ka ba gaganahan magtanong ng ganito?

“Ayaw niyo ng upo? Masarap iyan, ayaw tikman at…”

Nanay ko. Matagal na akong nagdududa sa kahulugan ng salitang masarap. Pwede kang magreklamo sa ulam, pero kung monggo ang nasa harap mo, kakain at kakain ka rin. Sino ba ang magugutom? Alam iyan ng wais na nanay ko.

“Ma, kailangan ko nang magbayad sa dorm…”

Kapatid kong babae, sumunod sa akin. Masamang usapin ang pera kaya kailangang ilagay sa timing. Kapos sa budget, kailangang magtipid.

“Nakakainis, fourth lang kami sa MTAP…”

Pangalawa kong kapatid na babae. Ang mesa ang aming Dear Kuya Eddie, labasan ng lahat ng sama ng loob.

“Ron, ‘di mo ba sasairin iyang ulo ng isda? Akina, sayang…”

Nanay ko ulit.

“Ang daya, bakit mas mas maraming Coke sa akin si Mimay?”

Nag-iisa kong kapatid na lalaki.

“Eh bakit si JP, walang gulay?”

Bunso naman namin ang hihirit. Iyan na ang pinakamatinding kaso ng sibling rivalry dito. Grade 1 at Grade 2 kasi.

“Pagkatapos kumain, wala munang aalis ha! Magwalis-walis muna kayo!”

Nanay ko pa rin.

“Argggh! Saaaa-yaaang!”

Ah, ako iyan, kapag mali ang sagot ng contestant ng Game KNB. Oo, nasa kusina ang TV namin, nakapatong sa lumang ref na ngayon eh sticker board na. Gabi-gabi, kasalo namin sina Melody at Bernadette.

Ganyan kami kumain. Magulo. Agawan. Nakaririndi. Pero masaya.

Isa lang ang bawal. Umutot ka na sa mesa, huwag mo lang dadalhin sa hapag-kainan ang pagka-bad trip mo. Walang lugar ang pagdadabog sa mesa namin. Kung gusto mong magwala, huwag ka nang kumain at magkulong ka na lang sa kwarto.

Mahirap alalahanin ang bawat gabi na sabay-sabay kaming kumain lahat, pero sa mga hapunang iyon, dalawang bagay lang ang natutunan ko:

Malungkot kumain nang mag-isa, lalo na kapag nasa mall ka at pinagtiyatiyagaan mo ang ni-resurrect na pagkaing food court;

At pangalawa, ang pinakamasarap na ulam ay isang latang corned beef, hinaluan ng patatas at nilagyan ng maraming sabaw. Syempre, mas marami kayong nag-aagawan, mas nakabubusog.

About the author

Ron Baticulon

Ronibats is a pediatric neurosurgeon, teacher, and writer. In 2018, he won a Palanca award for the title essay of his upcoming book, "Some Days You Can't Save Them All" (UP Press, 2019). You can follow him on Twitter @ronibats.

8 comments

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

  • kaya hindi rin ako nasanay kumain mag-isa eh, malaki rin kasi family namin. kagulo rin kapag kainan na. nice article sir! 🙂

  • Ronibats story in Filipino! I missed this a lot. Malungkot din kumaing nag-iisa sa condo ng Chicken Milian galing Victoria Corazon. -_-

  • ganito rin kami kami sa bahay. magulo, maingay! alam na alam mo pag may nagkakatampuhan. dun lang natatahimik. hehe

  • Napangiti ako nang sobra nung nabasa ko to Doc ?, ganyan din kami sa may onting dagdag nga lang po kasi may batch 1, batch 2 minsan may batch 3 pa nang kakain kasi d kasya sa mesa. Hehe ?

  • Sana maging ganyan ang kalakaran sa hapag kainan ng lahat ng Pilipino noon maliliit pa kami ganyan din kami, dahil abogado daddy ko at mommy teacher ko Wala naman kaming magkakapatid Limang babae na sunod sunod ang edad at nagpahinga ng isang taon nagkaroon ng lalaking anak at sinundan pa ng isang lalaki at ang huling hirit ay babae muli. Ganyan ganyan kami noon araw, ngayon ako ay 57 yrs old na biniyayaan ng Diyos ng isang anak na lalaki, ngunit di buo pamilya ko single mother ika nga, ok naman kaunti lang ang gastos kasi isa anak, napagtapos ko naman at kahit kailan di nagbigay ng sakit ng ulo sa akin. Pero ang masakit ngayon may edad na ako kumakain ako mag isa, kasi gabi na umuuwi dahil manager na siya ng HR department sa Mandaluyong, kadalasan gabi na umuuwi, yan ang hinahanap ko sa buhay ko ngayon ang kumain ng may kasama sa hapag kainan. Ika nga kung maibabalik ko lang ang nakaraan sana nakabuo ako ng masayang pamilya, kaso sabi ng anak ko na nagtapos ng BS PSYCHOLOGY, sa buhay daw walang rewind puro Forward. At lagi niyang sinasabi sa akin wag daw ako maghahanap ng wala at masasaktan lang daw ako. Kaya eto sanay kumain magisa at pag sabado at linggo naman dadalawa kami sa hapag kainan. Tapos kong magluto siya naman ang maghuhugas tapos sa loob na ako ng kwarto ko at siya naman ay nasa sala at manood ng tv. Mahilig manood ng basketball anak ko , kaya pag Ginebra ang nanalo masaya siya pag talo wag mo kakausapin. Ganyan ka simple buhay namin mag ina. Ayaw naman mag asawa kasi nadala sa una niyang gf na naanakan niya ng isang babae, every week end nahihiram ko malas ko pag may lakad di pwede hinamin wait ka kung kailan siya available. That life…. ginusto mo isa lang ang anak kaya eto mag isa kang kakain. Pero swerte na rin kasi kahit isa anak ko kahit kailan di nagbigay ng sakit ng ulo. Minsan pag walang pasok nasa celphone lagi nakatuon, kaya minsan nasabi ko sa sarili ko bakit ba nauso celphone di kayo makapagkwentuhan. Laging ang sagot pag nagkwento ako “ ah ganoon” wala na, minsan nasabi ko buti pang sa puno ka makipag usap medyo gagalaw pag humangin, pero ngayon lahat ng bata ayaw makipag kwenuhan sa nanay nila, kaya pag nagkwento ang anak ko aba tigil lahat ginagawa ko kasi “aba nasa mood mag kwento”, ganyan na ako ngayon, ngayon nalalapit na ako mag retire sa work parang ayaw ko dumating ang time na yon kasi ano na gagawin ko sa buhay kasi sa office nalilibang ka sa mga officemate mo, paano na kaya buhay ko pag nag retire na ako? Ano na gagawin ko? Hay naku…. maybe its time to serve the Lord ika nga kasi malapit ka na rin mag retire sa mundo, pero hanggang maari lagi kong dasal na makita ko ang anak ko na magkaroon ng masayang pamilya. Minsan nga nasabi ng anak ko at kahit kailan di ko makakalimutan, sabi niya pag nakaharap daw niya si Lord isa lang daw ang itatanong niya “Bakit di mo ako binigyan ng kapatid?”, kaya sa mga officemate ko lagi kong sinasabi wag kayong mag aanak ng isa lang malungkot sa lahat ng parte ng tahanan, sa kusina sa hapag kainan sa salas at iba pa. kaya nakakaingit ang saya ng pamilya ninyo dok

Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Instagram

Facebook

Twitter