Sa lahat ng subject, Math talaga ang paborito ko. Kindergarten pa lang ako, alam ko na ‘yun. Dahil ‘yun sa Tatay kong engineer na nagtiyagang magturo sa akin kung paano mag-compute gamit ang mga daliri ko. Sa liwanag ng kanyang desk lamp at sa harap ng mga hinawing blueprint at triangle ruler, manghang-mangha ako noon na matuklasang 4 times 9 equals 36. Walang pinagkaiba sa isang batang nanonood ng magic.
NangΒ tumuntong ako ng elementary at high school, palaging Math ang pinakamataas kong grado. Pagdating sa mga inter-school competition, taun-taon ay nakakakuha ako ng medalya sa Math Challenge ng MTAP (Mathematics Teachers Association of the Philippines). Ang pagiging Rank 1 sa buong Metro Manila ang isa sa pinakamasasarap na tagumpay ko noong high school. Umabot din ako sa national finals ng PMO (Philippine Math Olympiad). Kaya naman noong ga-graduate na ako, akala ng lahat ng tao, kukuha ako ng engineering. Eh naging doktor ako.
Hindi mahirap mahalin ang Math. Basta’t naiintindihan mo ang isang formula at kung paano ito nabuo, magagawa mo na itong paikut-ikutin para sagutan ang isa, sampu, o isandaang tanong. Almusal ko ang Pythagorean theorem, barkada ko ang prime numbers, at nagbibilang ako ng perfect squares para makatulog.
Sa totoo lang, tamad kasi talaga akong mag-memorize. Inis na inis ako noon dahil kahit ilang oras kong aralin ang Biology, alam kong hindi ko naman kayang kabisaduhin ang lahat ng terminolohiyang nasa libro ko. ‘Yun ang mahirap, dahil may mga tanong na kapag hindi ko alam ang sagot, hindi ko talaga alam. At kapag nanghula ako at tumama, alam kong suwerte lang ako kaya tumama ang hula.
Hindi ganoon sa Math. Pagdating sa problem solving, sa halip na mainis, naaaliw ako kapag ang tanong ay kakaiba sa inaral ko. ‘Yung kailangan kong pag-isipan kung paano ko hahanapin ang sagot, sa halip na simpleng “plug the values and solve the equation.” Tuwang-tuwa akong mag-solve ng xyz, mag-prove ng equation, magbilang ng ulo ng manok at paa ng baboy, maghati ng lupa para sa mga pinamanahang anak, mag-factor ng (4x to the 4th) plus 1, magpagawa ng bahay sa tatlong bata at apat na matanda, punuin ang isang drum ng tubig habang bukas ang dalawang gripo at ang drain, at magmaneho ng kotseng hinahabol ng motorsiklo.
Mas mahalaga sa tamang sagot ang paraan kung papaano ko ito nakuha. Nandoon ang challenge. Natuto akong dumiskarte. Maaaring sa simula ay hindi ko alam ang sagot. Pero kapag tumama ako sa huli, alam kong dahil ‘yun sa pagsisikap kong magpaikut-ikot ng mga numero sa ulo ko.
Sa kabila ng lahat, hindi ko kailanman nakita ang sarili kong nagtatrabaho sa harap ng isang computer sa loob ng isang opisina. O uma-aattend ng mga business meeting at teleconference araw-araw, linggo-linggo. O nag-iikot sa field site upang mag-inspeksyon ng kung ano mang kailangang iinspeksyon. Ang gusto ko ay humarap sa pasyente upang manggamot.
Marami-rami rin ang nagsabi sa akin noon na hindi ako bagay sa Medicine — na masasayang ang galing ko sa Math kung ako ay magdodoktor. Pero sa huli, ako pa rin ang nasunod. Nang malaman kong nakapasa ako sa INTARMED, hindi ko na pinakawalan ang pagkakataon.
Ako ang naging kabaligtaran ng mga medical student na naririnig mong humihirit na kaya sila nagdodoktor eh dahil ayaw nila ng Math.
Ang pagkahilig ko sa Math ang magtatawid sa akin sa med school. Habang iginagapang ko ang pag-aaral ng Anatomy at Pathology, naging mas madali aralin ang Biochemistry at Pharmacology.
Pero higit pa sa pag-compute ng ATP at dosage ng antibiotic ang naituro sa akin ng Math.
Dahil sa Math, natutuhan ko ang kahalagahan ng pagtingin sa isang problema mula sa iba’t ibang anggulo. Hindi sapat na alam ko ang tamang sagot, ang diagnosis. Dapat ay naiintindihan ko kung ano ang pinagmumulan ng karamdaman at kung papaano ito nagdudulot ng mga sintomas na nararamdaman ng pasyente, upang maibigay ang tamang lunas. Hindi puwedeng de kahon. Tulad ng given at variable ng isang mathematical problem, ang solusyon ay makukuha ko lamang kung pag-uugnay-ugnayin ang mga importanteng impormasyon galing sa clinical history at physical examination ng isang pasyente.
At kung hindi ko agad makuha ang tamang sagot, itinuro sa akin ng Math na minsan, ang tanging kailangan gawin ay umupo nang maayos, magpahingang saglit, at alisin ang lahat ng kalat sa isipan. Konting paglalaro pa ng x, y, at z, maya-maya ay makukuha ko rin ang solusyon.
Kung hindi ako naging batang mathematician, malamang, hindi ako doktor ngayon.
nice one kuya! =D
Thanks Rye! Happy teaching π
nagets ko yung sinasabi nyo sir. iba talaga ang mathematics sir. at mas analytical talaga magisip ang taong ang background ay math based. i should know haha. 3 math subjects ang pinaaral sa amin nung HS. heheh
Kor, kami nun may Trigonometry subject aside from the usual Mathematics in 3rd year. Then may computations rin ang Chemistry. Tapos nung 4th year, Physics naman, Math-based pa rin. Hehe. π
Saan po kayo nag high school doc?
Hindi ko naman favorite ang Math, pero nadadalian ako sa kanya. Wala na kasing aaralin pa. π (except nong high school pala kasi meron kaming Algebra at Trigonometry in Chinese, so kailangang mag-aral ng Chinese characters para maintidihan ang problem). Papa ko rin ang nagturo sa akin, pati yung mga chinese versions. I wasn’t able to get the connection before, pero I guess you’re right. Math lang naman ang makakapagturo sa yong mag-isip ng iba’t ibang solusyon. Yun pa nga ang challenge ng Papa ko dati sa akin, maghanap ng solusyon na iba sa lahat, including your teacher’s. ;p
MTAP kid ka pala Sir! π So inalagaan ka din ni Simon Chua?
Tanda ko dati ung mga exam (every other month pa un for MTG) na 5 tanong lang pero sasakit talaga un ulo mo sa kakaisip ng solusyon. :p Good times! Sana elementary nalang ako ulit. π
Patty, no, kalaban ko yung mga alaga ni Simon Chua. Hahaha. Pang-MTAP lang ako. I couldn’t quite make it to the top of MTG and PMO. Hehe. π But yes, those were good times. Ahh, the joys of discovering the solution to a mathematical problem you’ve been thinking about the entire day. π