Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Sa ChowKing

S

Matapos matunaw ang yelo ng iced tea, matapos magsawa sa pagkalam ang aking sikmura, matapos kong panooring magsubuan ng halo-halo ang magkasintahan sa tapat ng aking inuupuan (nakasampung pasahan sila ng kutsarita bago maubos ang kinakain), dumating ang waiter na may bitbit ng aking hapunan.

Hanggang dito ba naman, kailangan ko pa ring maghintay?

Inilapag ng waiter ang mangkok ng chao fan, ang plato ng beef motong at ang platito ng mantao.  Ihinuli ang tissue at dalawang pares ng kubyertos na nakabalot pa sa papel upang hindi madumihan.  Panandaliang sumagi sa aking isip na isauli ang isa.  Aanhin ko naman iyon?  Mabuti nga’t makakatulong pa akong matipid nila ang isang patak ng dishwashing liquid.

Pero huwag na lang.  Sayang sa laway.  Tutal, kasalanan naman nila iyon e; hindi dahil dalawa ang order ko, chao fan at motong, e dalawang tao rin ang kakain.  O baka naman naniniguro lang talaga sila.  Sabagay, mas mabuti na ang sobra kaysa kulang.  Pero teka, hindi ba napansin ng kahera na isang iced tea lang ang order ko?

Ang diskurso sa aking isipan ay naantala ng matingkad na kulay blue at orange na hindi nawawala sa gilid ng aking paningin.  Nang iangat ko ang aking mga mata, kinakausap pala ako ng waiter.

“Sir!” Medyo malakas, pang-ilang beses na kaya niyang inulit iyon?  “May kulang pa ho ba?”

Oo, meron pang kulang.  Hindi nga lang pagkain.

Umiling ako, saka ko inabot ang table number na tangi kong kasama sa halos tatlumpung minuto ko ring paghihintay sa aking makakain.  Kung hindi lang masarap ang motong ninyo, hindi ako magtitiyaga rito.

Blue at orange.  Pamilyar ang kombinasyon ng kulay.  Complementary colors, iyon ang tawag sa kanila.  Tulad ng red at green (Pasko).  Ng yellow at violet (LRT 2).  Sa dami ng color wheel na naiguhit ko mula grade one hanggang grade six, hindi ko iyan makakalimutan.

Paborito ko nung elementarya ang Art.  Iyon lang ang nagpapataas ng marka ko sa subject kong MAPE (Music, Art and Physical Education).  Ipinanganak na nga akong sintunado, lampayatot pa ako noong bata, kaya olats talaga ako sa Music at PE.  Binabawi ko lahat sa Art:  pagguhit ng tanawin, paggawa ng eggshell mosaic, pagtupi ng papel para maging origami, paggupit ng art paper at higit sa lahat, pagkulay ng color wheel.

Ang color wheel ay may sandosenang kulay:  tatlong primary (red, yellow at blue), tatlong secondary (orange, green at violet) at anim na tertiary (red orange, red violet, yellow orange, yellow green, blue violet at blue green).  Magkakatapat ang mga sinasabing complementary colors.  Kahit saang parte ka ng mundo magpunta, ang complementary color ng blue ay orange samantalang ang sa red violet ay yellow green.  Mas may buhay raw kasi ang isang larawan o bagay kung gagamit ka ng complementary colors.

Sa murang edad, naitatanim sa isipan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kapareha.  Kaya si Malakas ay may Maganda at si Jill ay may Jack.

Hindi ba’t paboritong exam sa Nursery ang matching type?  Ang basketball, sa ring.  Ang baseball, sa bat.  Ang papel, sa gunting.  Ang kamay, sa gwantes.  Ang paa, sa sapatos.  Sakto lang ang pagpipilian.  Bawat isa, may katerno.  Ganoon kaperpekto ang mundo.

Pagdating ng high school, saka lang nauuso ang sobra-sobrang choices.  Sampu lang ang items ng exam, pero A hanggang M ang pagpipilian.

Pagtanda mo, natututunan mong may latak.

At may matandang bigla na lang tumambad sa aking harap; tulad ng pagsulpot ng engkantada sa harap ni Pinocchio upang siya ay gawing tunay na bata.

Si Lola naman, ginugulat ako.

“Totoy, may katabi ka?”

Mababa ang boses.  Akala ko noong una, lalaki si Lola.  Kasama pala si Lolo.  Holding hands.

Isa-isa ko pang sinilip ang tatlong bakanteng upuan sa aking mesa, saka sinabing, “Wala po.  Sige po, dito na lang kayo, mabilis naman ako kumain.”

“Salamat ha, Totoy.”

Gusto ko sanang sabihin kay Lola na halos bente-uno na ako, hindi na ako Totoy, pero naalala kong masamang sumagot sa nakakatanda.  Umupo si Lola sa tabi ko, si Lolo ang pumila matapos iabot ni Lola ang Senior Citizen ID.

At sisimulan ko na ang pagkain.

“Totoy, ano iyan?” kalabit ni Lola sa aking braso nang akma ko nang dadamputin ang plato ng motong.  Itinuturo niya ang nakalagay sa platito.

“Mantao po, siopao na walang laman.”

“Walang laman? Masarap ba iyon?” Inayos niya nang bahagya ang salamin sa mata at ngumiti nang pilit; tila kasalanan sa Diyos ang pag-order ng siopao na walang laman.

Opo.  Masarap ang mantao.  Kahit walang laman.

“Hindi ba mas masarap ang siopao?”

Paano ko naman masasagot ang tanong na iyan e hindi ko pa nasusubukan?

Hindi ko sinagot si Lola.  Bagkus, inilipat ko ang kanyang atensyon sa pila ng umoorder ng pagkain.  Sumesenyas si Lolo.  Mukhang nakalimutan sabihin ni Lola kung anong inumin ang gusto niya.

“Totoy, pabantay muna ng gamit ko ha?  Sandali lang.  Ulyanin na talaga itong asawa ko.”

Binalikan ko ang aking motong.  Pinigaan ng kalamansi.  Oras na para haluin.  Dinampot ko ang isang pares ng kubyertos.  Inalisan ng balot na papel.  At, dumulas.  Dumulas mula sa aking kaliwang kamay at umalingawngaw sa buong kainan ang kanilang pagbagsak sa sahig.

Dinampot ko ang dalawang kubyertos.  Dalawa.

Buntong-hininga.

Mabuti pa ang tinidor, may kutsara.

Sana nag-takeout na lang ako.

About the author

Ron Baticulon

Ronibats is a pediatric neurosurgeon, teacher, and writer. In 2018, he won a Palanca award for the title essay of his first book, "Some Days You Can't Save Them All," published by The University of the Philippines Press. You can follow him on Twitter @ronibats.

11 comments

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Facebook

Twitter