Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Himbing

H

Naalimpungatan ka sa ugong ng electric fan. Gaya ng nakagawian, nakatutok ito sa mga paa mo. Kinilatis ng iyong mga tenga ang tunog na dulot ng pag-ikot ng elisi nito: malumanay, kawangis ng pag-ihip ng hangin na sinasabayan ng paghuni ng mga ibon sa probinsya, hindi dumadagundong, hindi sumisigaw ng “Tungaw! Gising na! May exam ka pa ngayong umaga!”

Hindi mo na kailangang idilat ang iyong mga mata para malamang ikaw ay nasa iyong kwarto. Sapat na ang ugong ng electric fan para makumbinsi ang iyong sarili — wala ka sa dorm.

Nasa bahay ka na.

Kinapa-kapa ng iyong mga kamay ang kama upang hagilapin ang iyong cellphone. Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng humigit-kumulang apat na buwan, hindi ka nag-alalang nadaganan mo ang cancel button sakaling ito ay nag-alarm nung 2:00 am, 2:05 am, 2:10 am, 2:15 am, 2:20 am at 2:25 am. Kapa dito, kapa doon.

Bigo ang iyong mga kamay sa paghahanap ng cellphone mo, pero lumundag-lundag sa tuwa ang iyong mga daliri nang kanilang matuklasang wala kang kasiping na Anatomy lecture transcription nung nakaraang gabi.

Iminulat mo ang iyong mga mata. Naaninag mo ang sikat ng araw na tumatagos sa mga bintana, tungo sa dingding na katapat mo. Malamang, ang araw ay nabigla nang hindi mo ito ipinagtabuyan. Maski ikaw ay nanibago nang hindi ka nanalanging ito ay umalis upang hayaang maghari ang rumaragasang ulan. Sa halip, dinama mo ang init at buhay na ihinihinga nito sa iyong kwarto.

Saka mo naramdaman ang pananakit ng iyong mga hita at binti, pati na ang pamamaga ng iyong mga mata. Gayunpaman, walang nagrereklamo sa mga ito dahil ang pananakit at pamamaga ay hindi dulot ng buong araw na pagtayo sa dissection table o buong gabing pagsaulo ng kung anu-anong termino, kundi bunga ng pagraratratan ninyo ng mga kaibigan mo sa paintball nung isang araw at ng magdamag mong pagbabasa ng “A Prayer for Owen Meany” na nung isang buwan mo pa nabili sa halagang 55 piso.

Lumingon ka sa baul na katabi ng iyong kama; nakapatong dito ang libro… at ayun, katabi ang cellphone mo.

Inabot mo ang cellphone gamit ang iyong kaliwang kamay. Walang bagong mensahe. Nabasa mo ang oras, 08:04, at napangisi ka nang ang pumasok sa isip mo ay “Alas-otso pa lang pala eh!” at hindi “Sh*t, alas-otso na!”

Kumalam ang iyong sikmura.

Babangon ka na sana, subalit mariin kang pinigilan ng iyong higaan. Nilamon ka ng iyong kutson, dinaganan ng iyong unan at pinuluputan ng iyong kumot. Pinanggigilan ka nila. Alam mong walang kahihinatnan ang paglaban kaya’t ikaw ay nagpaubaya. Bilang na ang mga umagang tulad nito; hindi mo kayang tanggihan ang tawag ng kama. Makapaghihintay ang lutong-bahay na almusal.

Ibinaon mo ang iyong ulo sa unan, saka pinaglaruan ang isang pangungusap sa isip hanggang muling makatulog:

Simula na ng sembreak.

About the author

Ron Baticulon

Ronibats is a pediatric neurosurgeon, teacher, and writer. In 2018, he won a Palanca award for the title essay of his first book, "Some Days You Can't Save Them All," published by The University of the Philippines Press. You can follow him on Twitter @ronibats.

Add comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Facebook

Twitter