Bukas, alas-diyes ng umaga, patitigilin ko ang oras. Hihinto sa pag-ikot ang mundo at ang araw ay mapipirmi sa kanyang kinaroroonan sa kalawakan. Walang makakapansin ng mga pangyayaring ito dahil patitigilin ko rin ang pagkilos ng bawat tao, hayop at makina. Walang gagalaw sa loob ng isang buong araw; ako lang ang maiiwang humihinga sa daigdig nating babalutin ng katahimikan. Maswerte ka, nakaabot sa iyo ang babalang ito. Maiiwasan mong mangulangot, magbasa ng Toro o mangopya sa katabi mo; hindi kita mahuhuli sa akto pagdating ng takdang oras.
Manggagaling ako sa UP Manila. Kapag napahinto ko na ang mga relo, lalabas agad ako sa gate ng AS. Sa kanang gilid nito, malapit sa waiting shed, makikita ko ang walong taong si Boy, nakaupong parang tumatae sa sidewalk. Hindi naman talaga Boy ang pangalan niya, pero iyon na yata ang batas ng lansangan — bawat batang lalaking pagala-gala ay si Boy, bawat batang babae ay si Nene.
Daratnan ko si Boy na magulo ang maalikabok na buhok, namumula ang mga mata, may manilaw-nilaw na bakas ng tuyong sipon ang mga ilong, puno ng grasa ang t-shirt, magkaiba ang kulay ng tsinelas na hindi tama ang pagkakasuksok sa paa. At habang hawak ng kanang kamay ang plastic cup na gamit sa pamamalimos, ang kabila ay nakaipit sa sikmura kaya’t kitang-kita ko sa kaliwang siko ang isang nagnananang sugat. Pwedeng-pwede siyang ilagay sa front page ng isang broadsheet kung kukunan ng litrato.
Dalawang araw nang hindi kumakain si Boy. Alas-tres dapat ng hapon titirik ang mga mata niya, pero dahil iiwan ko sa kanya ang baon kong ensaymada, tatagal pa siya ng dalawang dagdag na araw. Iyon ay kung hindi aagawin ng mamang nagtitinda ng sigarilyo sa tabi niya ang tinapay kapag bumalik na ang takbo ng oras.
Hindi ako karaniwang naglalakad sa harap ng PGH dahil sa usok galing sa mga sasakyan, pero mukhang kailangan kong tiisin ang polusyon bukas; may matandang babae kasing masasagasaan sa tapat ng Astral Tower. Nasa tamang tawiran naman si Lola Ising. Kaya lang, habang tumatawid papuntang Out Patient Department, lulusot sa butas na bulsa ng kanyang daster ang pisong sukli niya sa jeep. Pagyuko niya para damputin ang barya, biglang liliko pakaliwa ang isang bus sa kanto ng Taft at Faura.
Maswerte pa rin si Lola Ising dahil 10:00:01 a.m. dapat siya masasagasaan. Aabutan ko siyang ang ulo ay palingon pa lamang sa bus na dudurog sa mga buto niya. Kaliwang mata sa piso, habang animo inaaninag pa ng kanan ang plate number ng bus. Tsk tsk, magiging chop-chop lady na sa kalsada, wala pang kamalay-malay.
Bubuhatin ko na lang siguro siya patawid ng Taft. Tutal, lawlaw naman ang kulubot na balat niya at wala pa siyang limang talampakan. Pero sana, umiral ang pagkaulyanin ni Lola Ising pagbalik ng hininga niya. Kung hindi, baka atakihin naman siya sa puso at matigok bago mapacheck-up ang mga pigsa sa magkabilang paa.
Itutuloy ko ang paglalakad patungo sa main entrance ng PGH. Pagdaan ko sa ER, makikita kong inilalabas sa isang ambulansya si Mang Mario — asawa ng tinderang si Aling Selya, tatay ng sampung bata (may tatlo silang anak na pitong taon ngayon, ang una kasi’y ipinanganak ng Enero, tapos ang sumunod ay kambal na ipinanganak ng Nobyembre; ganoon sila kagaling!), construction worker, at sa isang linggo ay magiging residente ng pinakatuktok na nitso sa isang sementeryo sa Maynila.
May TB kasi si Mang Mario. Malamang, habang isinusulat ko ito ay panay na ang ubo niya ng plemang pinaghalong dilaw, berde at pula. Wala akong kayang gawin para sa kanya. Hindi na siya aabot sa loob ng ER dahil bagsak na ang dalawang baga niya. Nakakapraning lang isipin kung paanong mawawalan ng tatay ang sampung bata dahil sa isang sakit na libre ang gamot sa health center. Sayang, hindi niya mamamalayang tatagal ng isang buong araw ang huling hininga niya.
Kung bigla kong maisip bukas na ayaw ko palang mainitan sa paglalakad, sa Robinson’s ako dadaaan sa halip na sa Taft at PGH. Mabibigyan ko pa rin ng ensaymada si Boy pero sorry na lang si Lola Ising. Papasok ako sa Faura Wing, lalabas sa Pedro Gil Wing. Sa tapat ng Starbuck’s makikita ko ang isang pares ng frozen puti at prosti.
Sa dami ng bracelet, ng nakasabit sa leeg at ng lawit sa tenga, mukhang kotseng ilang beses nang nalaspag at naibenta ang porma ni Lovely. Kada lakad at kembot, umaalug-alog, tumutunug-tunog. Idagdag mo pa ang pinaghalu-halo niyang pabango na nagpapaalala sa akin nung car freshener na hugis pine tree. Pero OK lang iyon kay Sam. OK lang din maski buong araw niyang libutin ang Robinson’s habang nakapulupot sa puting braso niya ang prosti. Sa kanya naman ang buong gabi ni Lovely.
Hay, kawawang babae, walang kaalam-alam na ang lalaking kinakapitan niya ay dinadaluyan ng dugong mayaman sa HIV. Pasalamat siya, lalagyan ko ng condom ang bulsa ng capri pants niya. Hindi iyon dahil ayoko siyang magka-AIDS (hindi man siya mahawa kay Sam, kung magsesex naman siya nang magsesex nang walang proteksyon, magkakasakit din siya balang araw), kundi dahil hindi pa niya alam na buntis siya. Gusto ko lang namang bigyan ng pagkakataong mabuhay nang normal ang magiging anak niya. ‘Wag ko lang malalaman ilang buwan mula ngayon na nagpalaglag siya, dahil puta… putangina talaga siya kapag nagkaganoon. Sayang ang oras ko sa kanya.
Kung inaakala mong patitigilin ko ang oras bukas para sa mga taong nabanggit ko, nagkakamali ka. Sa totoo lang, wala akong pakialam kung tumirik ang mga mata ni Boy sa gutom, masagasaan sa Taft si Lola Ising, mag-agaw-buhay sa PGH si Mang Mario o magka-HIV ang prosting si Lovely; nagkataon lang na maaari ko silang daanan. Pwede ngang hindi ko na sila pag-aksayahan ng panahon dahil dalawampu’t apat na oras lang ang meron ako. Hindi pa ako nakakapagdesisyon kung ano pa ang mga pwede kong gawin at hindi gawin. Bahala na. Maglalakad na lang ako nang maglalakad hanggang marating ang pupuntahan ko.
Basta isang bagay lang ang tinitiyak ko sa iyo: bukas, alas-diyes ng umaga, kailangan kong patigilin ang oras. Kailangan ko kasi ng isang dagdag na araw. Kailangan kong maglakad at makarating sa College of Med Library.
Kung hindi ko gagawin iyon, mamamatay ako sa huling lab exam ko sa vertebrate embryology.
Damn! Hahahaha nag-enjoy ako Doc! Sarap gawing screenplay or i-act sa stage, very theatric!
Anggg galingg po nakakaaliw po doc??