Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Biyaheng Langit

B

Hindi madaling mag-commute papasok ng UP Manila at pauwi araw-araw, lalo na kung katulad kong sa Las PiƱas pa nakatira at inaabot ng isa hanggang dalawang oras ang biyahe sa bus.

Wala pang tatlong buwan, pero eksperto na ako sa pakikipag-unahan at pakikipagsiksikan makaupo lang. Nasanay na akong magtiyaga sa kamura-murang traffic sa Taft Avenue, ma-LSS sa pambansang kanta ng masa (Pagdating ng Panahon), mangawit ang leeg kakapanood sa TV on board, makipag-agawan sa kurtinang pagkaiksi-iksi para ‘di maarawan, maiwala ang tiket ilang minuto bago dumating ang inspektor, makatulog at lumampas sa dapat kong babaan.

Para. Sakay. Upo. Bayad. Sukli. Traffic. Para. Baba. Dito umiikot ang konsepto ng bus para sa isang pasaherong tulad ko.

Pero minsan, habang nangangalay ang braso ko sa pagkapit at namimintig ang binti ko sa pagtayo, may biglang pumasok sa kukote kong walang magawa: napakadali palang malunod sa dagat ng mga mukha kapag nakasakay ka sa bus.

Ang drayber na walang libangan kundi ang pagpapalit-palit ng mga kulay ng traffic light. Ang konduktor na nagpapakapagod sumigaw ng “Lawton! Lawton!” para may hapunan ang kanyang pamilya.

Ang naghihisterikal na ale dahil nahablutan siya ng kwintas sa Baclaran. Ang mag-sweetheart na nilalanggam sa pagpi-PDA. Ang nanay na hindi magkandaugaga sa pagpapatahan ng kanyang anak. Ang japorms na pasaherong kinokopya ang vital statistics at cellphone number ni Chiket Call Girl. Ang mukhang-executive na tingin nang tingin sa kanyang relo. Ang lalaking pinipilit isiksik ang sarili sa katabi, pero wari’y gusto lang maka-tsansing. Ang lolang may sariling mundo sa isang sulok. Ang foreigner na napapanganga sa mga basurang tourist attraction sa kalsada.

Ang mamang nangingitim na sa pagbebenta ng crackers at Lala. Ang tindero ng mani na pumapailanlang ang boses sa buong bus (“o maa-niii, maa-niii, maiii-nit, baaa-gong luuu-to!”).

At pagdungaw sa bintana, ang mga marurungis na batang may hawak na mga basahan, nakikipagpatintero sa mga kotseng mapupunasan kapalit ng iilang barya.

Lahat sila…at ako, isang estudyanteng ang iniintindi ay pag-ilag sa singko at pangangarap maka-uno.

Ito ang buhay sa bus.

Hindi ko ito napapansin dati. Napakadali kasing balewalain ang mga tao. Sino ba sila? Karamihan sa kanila’y mga pasaherong sasakay at bababa sa kung saan man. Mga taong malamang ay hindi ko na muling makikita pa.
Madalas, pagod na pagod akong sasakay pauwi. Tapos na naman ang isang araw ng mga klase, proyekto at miting. Panibagong deadline, problem set at readings. Karaniwan na sa akin ang sumalampak sa isang upuan sa gawing likuran at mapraning kaiisip na ang dami na namang dapat gawin.

Pero ngayon, tuwing igagala ko ang aking tingin sa loob ng bus bago dumukot ng pamasahe, namumulat ako sa isang katotohanan: bawat isa ay may kanya-kanyang problema, bawat isa ay may kanya-kanyang patutunguhan.

Ang bus ay may buhay. Ang buhay ay isang bus.

Pero walang biyaheng langit.

Wala.

Sayang.

Traffic pa naman.

About the author

Ron Baticulon

Ronibats is a pediatric neurosurgeon, teacher, and writer. In 2018, he won a Palanca award for the title essay of his first book, "Some Days You Can't Save Them All," published by The University of the Philippines Press. You can follow him on Twitter @ronibats.

2 comments

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Facebook

Twitter