Wanted – Perfect Picture

Addict ako sa ID picture. Tuwing simula ng klase, kung kailan sandamakmak ang nanghihingi ng litrato para sa enrollment, seat plan, college record at kung anu-anong application form, diretso ako lagi sa isang photo shop.
Sakaling wala ako sa mall, pinapatulan ko maski ‘yung mga litratistang nakatambay sa kalye (na haharang sa paglalakad mo para pilitin kang magpakuha ng ID picture kahit hindi mo kailangan).

Maliban sa grad pic, hindi pa ako nakakapagpa-recopy ng litrato. Ang sabi ko kasi sa sarili ko nung high school, magpapakuha lang ako nang magpapakuha ng panibago. Kapag dumating na ang perpektong ID picture — ‘yung pinakamaporma, pinakagwapo at pinakapamatay ang ngiti — saka ako hihinto. Iyon at iyon na lang ang ipamimigay ko sa mga nangangailangan ng kopya ng mukha ko.

Kaya naman ngayon, pitong taon mula nang mag-first year ako, patuloy na lumalago ang Roni_Bats ID Picture Collection sa aking wallet. Kung bawat litrato ay nagkakahalaga ng sandaang piso, pumapasok ako sa klase araw-araw na may dalang libu-libo.

Ewan ko ba. Kung hindi ako narcissist, hindi ko lang ata talaga matanggap na hindi ako ipinanganak na photogenic.

Kung kakalkalin ang wallet ko, merong 1×1, 2×2 at passport size. May black and white, may colored. May studio pic, may FotoMe at may kuha sa tabi-tabi. Kapag wala akong magawa, hinihilera ko silang lahat sa mesa, sunud-sunod, mula pinakabata hanggang pinakamatanda.

Nakakaaliw sundan ang ebolusyon ng buhok ko. Istilong bunót nung elementary (mukhang batang nawawala), crew cut nung first at second year high school (mukhang preso), one-sided nung third year (mukhang Jose Rizal), at hati sa gitna mula fourth year hanggang college (mukhang may pinopormahan).

Makikita kung kailan ako natutong ngumiti sa litrato. Kung kailan ako tinubuan ng balbas at bigote. Kung kailan ko naisip mag-ahit ng balbas at bigote. Kung kailan nagkaroon ng laman ang pisngi ko. Kung kailan ako tinagyawat. Kung kailan lumalim ang mga eyebag ko.

Ikinukwento ng mga ID picture ang buhay ko.

Madalas, bago ako lumabas ng bahay para magpakuha ng panibagong ID picture, magpapraktis pa ako ng ngiti sa salamin sa banyo. Hindi pwedeng kulang; nagiging Angelina Jolie ang mga labi ko. Hindi pwedeng sobra; naglalaho ang mga singkit na mata ko. Dapat, sakto. Paplanuhin ko pa kung anong polo ang isusuot ko. Magpapagupit pa ako sa barbero.

Ang nakakainis lang sa mga litrato, kahit anong paghahanda ang gawin ko, lahat sila, kapag na-develop na, laging “Ok na sana, kaya lang…”: Ok na sana, kaya lang, hindi pa tapos ang one-two-three, nag-click na ang camera. Ok na sana, kaya lang, may naligaw na tikwas yung buhok ko. Ok na sana, kaya lang, natataeng natatawa ang ngiti ko. Ok na sana, kaya lang, mukha akong tatay sa bigote ko. Ok na sana, kaya lang, nagmamakaawang matulog ang mga mata ko.

Para bang inaasar ako ng bawat ID picture. Laging may mali. Laging may kulang. Laging may sayang.

Nasanay na rin ako. Meron pa namang susunod na pasukan. Sige lang, pakuha nang pakuha ng litrato.

Malay natin, baka ang susunod na ‘yung gwapo.

2 comments

  1. gwapo naman ah haha:)

  2. hahahahhaha!grabe super tawa much ako dito Dok Ron.
    yup.that was true,totoong totoo ang lahat ng sinabe mo dito.
    sinong hindi nagpractice ngumiti sa harap ng salamin bago papicture?
    lahat naman ng tao gustong maging maganda at gwapo sa picture.
    may susunod pa naman,keri bom lang yan…=)

    PS.tama si Ms.melai,gwapo naman ikaw…=)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *