Tungkol sa Isang Salita

Ang artikulong ito ay tungkol sa isang salitang nagsisimula sa titik S. Hindi ito sex, kaya kung yun ang habol mo, ngayon pa lang ay itigil mo na ang pagbabasa. Paborito ko ang salitang ito. Ito ang dahilan kaya naniniwala akong wala nang libre sa mundo. Lahat ng bagay, gaano man kalaki o kaliit, may kapalit. Mas madalas sa hindi, nakukuntento ako kahit na ang kapalit lang ay ang salitang ito.

Teka, alisin natin ang “lang” sa huling pangungusap. Hindi nila-“lang” ang salitang ito.

Ito ang salitang bumubuo ng araw ko: tuwing mababasa ko sa text message, sa isang komento sa artikulo ko sa Peyups, sa inbox o sa blog ko.

Ito ang salitang lagi kong naririnig mula sa mga empleyado ng Jollibee na siyang kumukuha ng order ko, pero tingin ko ay mas lagi nilang dapat marinig mula sa akin. Ito ang pabaon sa akin ng mga security guard, matapos akong pagbuksan ng pinto palabas ng bangko. Hindi pa sila nawawalan ng ngiti, kaya naman naniniwala akong sila ang tunay na nagmamay-ari ng salitang ito.

Ito ang salitang nagturo sa akin kung paano magpakumbaba tuwing pupurihin ng mga tao. Ito ang nakagawian ko nang sabihin sa tricycle driver, sa tumatao sa photocopying machine, sa nag-aabot ng sukli ko sa FX, sa librarian, sa saleslady ng sapatos, sa magtataho, sa nagde-deliver ng tubig, sa naglalaba at nagpaplantsa ng mga uniporme ko, sa nagbebenta ng kendi at sa mga gurong paborito ko.

Sa sobrang dalas kong banggitin ang salitang ito, nang minsang mag-“excuse me” ang isang babae sa akin dahil nakaharang ang kamay ko sa kukunin niyang papel, sa halip na “sorry,” ito ang nabanggit ko.

Kaya naman nagtataka ako — bakit hirap na hirap ang ibang taong banggitin ang salitang ito? Mahirap bang magpasalamat?

Tatlong pantig lang ang salitang “salamat.” Kung nagtitipid ka ng laway, dalawang pantig lang ang “thank you.” At kung ayaw mong magsalita, pwede na rin ang text version na “tnx.”

Wala nang libre sa mundo. Kaya naman naniniwala akong hindi kalabisan ang maghintay ng pasasalamat tuwing tatayo ka sa LRT para makaupo ang isang babaeng katatapos lang mag-shopping spree. O tuwing may magpapaabot ng pamasahe sa loob ng jeep. O tuwing may lola kang tutulungang makatawid ng kalsada. O tuwing may driver na ihihinto ang kotse para magtanong sa iyo ng direksyon. O tuwing may kaklase kang ite-text para sabihing nagbago ang schedule ng exam niyo sa hapon.

Tingin ko, isa sa mga dahilan kaya kumakaunti ang mga taong gumagawa ng mabuti sa mundo, eh dahil kumakaunti na rin ang mga taong marunong magpasalamat para sa mga gawaing ito.

Masarap ang pakiramdam ng pinasasalamatan. Kapag alam mong binibigyang-halaga ng ibang tao ang ginagawa mo, mas magkakaroon ka ng ganang ulit-ulitin ito sa iba pang tao.

Pero mas masarap ang pakiramdam ng nagpapasalamat. Sa pagpapasalamat, nakikita mo ang halaga ng ibang tao, at naipapaabot mo kung gaano sila kahalaga sa iyo.

Paborito ko ang salitang ito, dahil ito lang ang salitang alam ko, na sa isang iglap ay kayang baguhin ang takbo ng araw ng isang tao.

Kaya naman nararapat lang na ang artikulong ito ay magwakas sa salitang nais kong sabihin sa iyo, dahil hindi sex ang habol mo at naglaan ka ng oras para sa gawa ko.

Salamat.

2 comments

  1. Maraming salamat dito sir. 🙂

  2. salamat ng maraming marami, nakarelate ako.

Leave a Reply to ken dalisay Cancel reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *