Senti

Sa SM kita nakita — nakatayo sa loob ng isang musical instrument shop at napapaligiran ng iba mong kasama. Black beauty ka. Yun ang una kong napansin; yun ang dahilan kaya nangibabaw ka sa kanila at napansin kita. Nagpabalik-balik ako sa harap ng shop, patingin-tingin sa iyo. Mukha akong tanga, palakad-lakad, nagdadalawang-isip kung lalapitan ba kita.

Ngayon ko lang susubukan gawin ito
Nahihiya, naiilang ako…
Pero wala naman sigurong mawawala
Kung maglalakas-loob at kikilalanin ka…

Naging mabilis ang mga pangyayari. Bago ko namalayan, sabay tayong lumabas ng mall at sumakay sa iisang bus pauwi. Magkatabi. Magkahawak tayo nang tumawid sa kalsada papunta sa pila ng tricycle, walang pakialam sa pagtitinginan ng mga tao. Ilang saglit pa, tayo na lang ang magkasama. Sa kwarto ko. Inubos natin ang maghapon sa pakikinig ng mga paborito kong kanta, mga malulungkot na alternative rock.

Tahimik ka pa noon. Pinapakiramdaman pa kita. Pero nasabi ko na ba kung gaano mo ako pinasaya nung mga sandaling yun? Halos ‘di ako makapaniwalang magkasama tayong dalawa. Dinala mo ako sa isang mundong pinapangarap ko, isang mundong atin lang. Ah, ang sarap pakinggan: “tayong dalawa” at “atin lang.”

Ngayong nakilala ko ang isang tulad mo
Natutuwa, nagagalak ako…
Pero sana, ‘di masayang ang ating simula
Ayokong lahat ay mauwi sa wala…

Pinaiksi mo ang mga sumunod na linggo. Naging balewala ang traffic at mga exam dahil alam kong pag-uwi ay dadatnan kita. Araw-araw, hinihintay mo ako. Magkakasama na naman tayo. Ako, ikaw at ang aking radyo. Sa kwarto ko. Ikakalong kita, at habang nagpapakasawa sa Jars of Clay, Matchbox Twenty at Goo Goo Dolls, ikukwento ko sa iyo kung aling quiz ang ibinagsak ko, kung kanino ako nabwisit at kung ano ang bagong LSS ko.

Unti-unti, naging palagay rin ang loob mo sa akin. Napansin ko yun, kasi paminsan-minsan, ‘pag kinakantahan kita, sumasabay ka na. Hindi naman pala nasasayang ang oras na magkasama tayo. Tingin mo ba malilimutan ko pa ang Iris? Paano ko malilimot ang isang kantang ilang ulit natin sinubukang kantahin pero di natin nabuu-buo? Alam mo namang ganoon kasimple ang pangarap ko para sa ating dalawa: makabuo ng isang kanta.

Pero may mga taong walang ibang hilig kundi mangarap
Kaya may mga pangarap na nananatiling mga pangarap…

Kung meron mang nagkulang sa atin, ako iyon. Kasalanan ko kung bakit ngayon, isang sem matapos kong mapansin sa SM na black beauty ka, nandito tayo. Sa kwarto ko. Pero wala ka sa kanlungan ko. Nariyan ka sa sulok, kasama ng mga inaagiw na songhits. Paano kasi, hinayaan kong dumaan ang mga araw, masira ang radyo at mabaon ako sa pag-aaral. Hindi ko pinansin ang pagdalas ng mga hapong hihintayin mo ako, pero isasantabi kita; dumalang ang mga sandaling ginugol natin sa isa’t isa. Tuloy, para na tayong ‘di magkakilala.

Nagtatampo ka ba dahil ilang linggo kitang ipinagpalit sa Chem at Zoo? Naiinis ka ba dahil hanggang ngayon ay ‘di pa kita ipinapakilala sa mga kaibigan ko? Nagselos ka ba nung magpunta ako sa Rizal na iba ang kasama? Bakit kapag tito ko ang may hawak sa iyo, parang anghel ang boses mo? (‘Di gaya ng boses mong hinuhugot sa ilalim ng lupa kapag tayo lang dalawa?) Masyado bang mabigat ang pagdampi ng mga kamay at ang pagkalabit ng mga daliri ko sa iyo? Pakiramdam mo ba, pinag-eksperimentuhan lang kita dito? Sa kwarto ko?

Ngayon, naiisip ko ang bagay na ito
Nakokonsensiya, nalulungkot ako…
Walang “atin lang” at “tayong dalawa”
Dahil tanging ako ang naging masaya…

Pinagmamasdan kita. Katabi mo ang case na binili ko para sa iyo. Maalikabok. May mga gasgas ka na sa likod. Kinakain na ng kalawang ang steel strings mo. Wala ka pa sa tono. At kapag inaalog kita, kung anu-anong dumi ang nagrarambulan sa loob mo.

Ako naman, wala nang kalyo sa mga daliri. G at D na lang ang mga chord na natatandaan ko. Simpleng strumming, ‘di ko na magawa. Nakapanghihinayang. Naglalaho na ang mga alaala ng apat ng buwan nating pag-upo sa kaisa-isang silya sa tabi ng aking radyo. Sa kwarto ko.

Pero alam mo, black beauty ka pa rin. At nagsesenti na naman ako. May pag-asa pa ba tayo?

Sana. Kasi bukas, ibibili kita ng bagong strings. Ipatotono rin kita sa kaklase kong hanep mag-gitara. Bubuo na talaga tayo ng kanta.

Pero bago iyon, mukhang kailangan muna kitang ilabas mula dito. Sa kwarto ko.

2 comments

  1. figures.sabi ko na tama yung iniisip ko eh.
    akalain mo may pagka-comedy din pala to kahi ‘senti’ yung title.
    ahahaha,tawa much ako dun…
    nalinlang ako dun!akala ko siyang tunay!
    nice one! =)

  2. ngayon lang ako nagka lakas loob mag bahagi ng naramdaman pagkatapos magbasa ng isang maikling kwento. para akong idinuduyan habang paunti-unting nabubuo sa aking isipan ang iyong nilalarawan hanggang sa mapadako ako sa huling talata. salamat at kahit sa isang saglit ay napasaya mo ako at mahugot sa malalim na pagkabagot sa araw-araw kong gawain dito sa aming bulwagan ng katarungan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *