Paglisan at Ulan

Dalawang oras ka nang nakatitig sa blankong papel. Hindi pala madaling simulan ang isang artikulong tungkol sa wakas.  Saan ka nga ba maaaring magsimula?

Sa simula? Naaalala mo pa ba ang simula? Hindi na. Gaano man kahiwaga, ang simula ay nalilimot, nawawalan ng saysay dahil sa napipintong katapusan. Makabubuti lamang ang pag-uungkat sa nakaraan kung may bukas na yayapos sa iyo upang pawiin ang pangamba. Dahil kung wala, ang tanging magagawa ng simula ay ipaalala ang simula ng wakas.

Simulan mo kaya sa dahilan? Hindi rin pwede. Ang pinanghahawakan mo lang ay ang sino, ano, saan at kailan.  Sadyang mailap ang bakit; may mga bagay na habang pilit iniintindi ay lalong nagiging mahirap maunawaan. O baka naman nasa harap mo na ang sagot. Ayaw mo lang itong paniwalaan kaya’t pilit mong isinasantabi ang tanong na bumabagabag sa iyo. Hindi mo masisisi ang iyong sarili. Mahirap tanggapin na ang mga katotohanang nagpasaya sa mga araw mo ay panggagago.

Kung gayon, bakit hindi mo simulan sa ulan? Sa ulang hindi mo naman hiniling at dumating sa panahong hindi mo inaasahan. Sa ulang nagpakita sa iyong maaari kang tumingala sa langit at tumayo sa gitna ng kalsada, habang nilulunod ng mga patak ng tubig ang iyong kasuotan at mga gamit.

Tama. Sa ulan. Binago ka ng ulan.

Itinuro sa iyo ng ulan na ang mga tao sa buhay mo ay darating at aalis kung kailan nila gusto. Wala kang magagawa. Hindi mo sila mapipilit na manatili. Hindi mo sila mapipigilang lumisan. Titila ang bawat ulan. Hindi nito sasabihin kung kailan, pero mararamdaman mo ang paglumanay ng hangin at ang paghawi ng mga ulap.

Ang maiiwan ay ikaw… at isang puwang.

Ang pangungulila ay hindi nag-uugat sa paglisan, kundi sa pamamaalam. Ang isang taong pinahahalagahan mo ay maaaring magpaalam nang hindi umaalis, subalit maaari rin siyang umalis nang hindi nagpapaalam. Paunti-unti. Dahan-dahan. Patuloy ang pagtakbo ng buhay sa kanya, habang sa iyo, dumarating sa bawat araw ang kapiraso ng wakas.

Minsan tuloy, naiisip mong mas maigi pang matapos na lang ang lahat sa simula. Nang sa gayon, walang pinagkatagu-tagong text message na kailangang burahin, walang mga sandaling dapat ibaon sa limot at walang puwang na palalalimin ng pangungulila.

Nakapapagod maghintay kung kailan muling mapupunan ang puwang na tanging ikaw ang nakadarama. Mas madali itong pag-ipunan ng galit at pagkamuhi.

Pero hindi mo gagawin iyon. Hahayaan mo lang na dumaloy sa iyong pisngi ang mga luha at kahuli-hulihang patak ng ulan. Alinman ang unang maubos, ikaw ay patuloy na tatayo sa gitna ng daan.

Maghihintay. Aasa.

Dahil kahit maging balewala ka na sa isang tao, mananatili siyang importante sa iyo.

3 comments

  1. Salamat. 🙂

  2. Thanks Doc Ronibats.

  3. Maraming Salamat sa isinulat mo na ito.
    It just felt like it was written for me.
    Salamat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *