Nang Magtagpo ang Dalawang Supot

NANG MAALIMPUNGATAN SI LEMUEL, kinapa niya agad ang loob ng kanyang brief, at saka pinawalan ang isang malalim na buntonghininga nang makumbinsi ang sarili—buo pa ang kanyang bayag at titi. Walang tumatagas na dugo. Walang natapyas na laman. Walang kahit anong pananakit bukod sa kanyang pantog na nagsasabing siya’y naiihi. Ang matangkad at maitim na lalaking humahabol sa kanya habang iwinawagayway ang kinakalawang na lagari ay panaginip. Gayundin ang mga dambuhalang asong kasama ng masamang mama. Kaya pala ang layo ng itinakbo niya mula eskwelahan hanggang bahay. At nagulat pa siya nang biglang magkaroon ng sementeryo sa pagitan. Buti na lang, hindi totoo ang lahat.

Nakamulat na ang mga mata ni Lemuel subalit wala pa siyang maaninag sa dilim. Dumadagundong ang bawat pagpitik ng orasan; nakapagtataka dahil hindi naman niya naririnig ang tunog nito sa araw. Nakikipag-unahan sa orasan ang bilis ng kanyang paghinga at pagtibok ng kanyang puso. Tagaktak ang pawis sa kanyang noo. Basang-basa ang likod ng kanyang t-shirt. Sa kabilang dulo ng banig, nagsasagutan ng hilik ang kanyang tatay at nanay. Ramdam naman niya ang pagbalikwas ng nakababatang kapatid. Dapat na ba siyang bumangon para maligo?

Hindi pa. Malayo pa ang alas-siyete ng umaga. Gusto pa niyang matulog, pero paano kung hindi siya magising sa tamang oras? Paalaala ng tatay kagabi, maaga silang pipila sa palistahan bukas; tiyak na pati mga bata sa mga karatig na barangay ay makikipagsiksikan para mapasama sa bilang.

Bukod pa roon, kailangan niyang gumising nang mas maaga para makapagbabad sa loob ng banyo. Sabi ni Kuya Elmer, mas malambot daw ang balat kapag matagal na nalublob sa tubig. Mas madaling gupitin ng doktor. Mas mabilis at mas kaunti ang sakit.

“‘Di ba may pampamanhid naman iyon?” tanong ni Lemuel sa kuya-kuyahan nang magkausap sila kahapon.

“Parang meron. Pero narinig mo ba kung gaano kalakas humiyaw ‘yung mga bata nung isang taon?”

Tumango lang siya sa kausap. Ang totoo, hindi niya pinanood ang nakaraang tulian sa barangay hall dahil natakot siyang mapilit ng nanay na magpatuli na rin. Ngayon, wala na siyang ligtas. Hindi raw siya i-eenrol ng Grade 6 kapag supót pa rin siya pagdating ng pasukan.

“Ikaw Kuya Elmer, naramdaman mo ba nung tinuli ka? ‘Di ba sa bahay ka tinuli?”

“Oo, walanghiya nga ‘yung doktor na tumuli sa akin eh. Nakatatlong turok ba naman ng anesthesia kasi ayaw raw tumalab.”

“Masakit?”

“Bakit, may injection bang hindi masakit?”

Oo nga naman.

“Pero pagkatapos nung anesthesia, wala na. Natulog na lang ako. Paggising ko, binata na.”

Buti pa ang Kuya Elmer niya, sa bahay tinuli.

“Mabilis lang iyan. Para ka lang nanood ng animé. Pero kung ako sa iyo, isang oras akong maglulublob sa drum ng tubig bukas.”

Paano nga kaya kung hindi rin tumalab ang anesthesia sa kanya? Ayaw niyang umiyak sa harap ng maraming tao—malamang mga kapitbahay at kalaro pa niya ang manonood—pero paano kung masakit talaga? Maipit nga lang sa zipper ng shorts ang dulo ng titi niya, napapasigaw na siya, mas lalo na siguro kapag ginupit ang balat.

‘Tsaka sana, maliliit lang din ang titi ng mga kasabay niyang bata bukas. Kahit na merong malaki, basta hindi sa kanya ang pinakamaliit. Hindi nga siya tutuksuhing supót, pero kung habambuhay naman siyang kakantiyawan ng “uten liit” ng mga kaklase niya, ganu’n din. Kailangang ‘wag siyang kabahan. Lalong mangunguluntoy ang titi niya kapag nagkataon.

Napagalitan pa siya ng nanay niya nung makalawa. Sinabi kasi niyang hindi niya isusuot ang mga pinaglumaang palda na hiniram nito sa kapitbahay.

“‘Nay naman, hindi na uso iyan.”

“Anong usu-uso? Buti nga pumayag si Elsa na ipahiram sa iyo ang mga ito. Binatilyo ka na, tapos mag-iinarte ka diyan?”

Sinabi niyang titiisin na lang niya ang sakit kapag nagsalawal siya. Ayaw niya talagang magpalda. Naipamalita pa tuloy sa kapitbahay na magpapalista siya sa libreng tuli. Mas lalong nakakahiya kapag umayaw siya sa kalagitnaan. Supót na nga, duwag pa.

Ang tanging nagpapalakas ng loob niya ngayon ay ang pag-asang pagkatapos nito, tatangkad na siya. Sa ngayon, hanggang siko pa lang siya ng tatay niya. Sawa na siya sa pagiging una sa pila kapag flag ceremony.

Magkukulong lang siya sa bahay habang nagpapagaling. Napangisi si Lemuel; makaliligtas muna siya sa pag-iigib ng tubig at iba pang utos ng mga magulang. Mahirap yatang lumabas ng bahay kapag bagong tuli. Masilip pa ng kung sinong babae ang naghihilom niyang titi, eh ‘di nangamatis ‘yun. Makapanonood na siya ng TV buong araw nang hindi napagbabawalan.

Tama. Ganu’n na lang ang gagawin niya kung matutuli siya mamaya.

Ihing-ihi na siya, subalit nagpasya si Lemuel na maghintay munang lumiwanag bago tumungo sa kubeta sa likod ng kanilang bahay. Baka nagtatago lang sa sulok ang lalaking may hawak na lagari, nag-aabang ng pagkakataong sunggaban ang titi niyang supót.

 

NANINIKIP ANG DIBDIB NI MATTHEW sa pinaghalu-halong amoy ng kupal, Betadine, dugo, at pawis sa loob ng barangay hall. Ang kulob na lugar ay maliit pa sa half-court ng basketball. Pinagkasya rito ang apat na mesang pahaba kung saan nakahain ang mga batang tutuliin: nakabukaka ang mga hita at nakalaylay ang dalawang binti, habang nakadisplay ang mga kilikili at nagsisilbing unan sa ilalim ng ulo ang dalawang palad. Salitan ang puwesto para mas maraming bata ang makahiga; ang totoong ulo ng isang bata ay nakatapat sa ulo ng titi ng kanyang katabi.

Nakatungo ang mga batang matatapang at nagtatapang-tapangan. Pinanonood ng mga ito ang bawat kilos ng mga doktor at intern na yumayari sa kanilang pagkalalaki. Pero ang karamihan ay kuntento nang iangat ang kanilang t-shirt at isaklob sa kanilang ulo, pilit inaaliw ang mga sarili hanggang sa matapos ang panandaliang pagdurusa tungo sa pagiging binata. May umiiyak, may kumakanta, may nakikipagkuwentuhan, may nananahimik, at may nakikiliti pa nga.

Sa isang sulok ng barangay hall, nakapuwesto ang mga nursing student na naghuhugas at nagpapakulo ng mga gamit pantuli. Kailangang mabilis ang pagkilos. Higit tatlong daang bata ang nagpalista, mukhang may hahabol pa hangga’t may anesthesia at pantahi. Saang lupalop man siya ng Pilipinas mapunta para magsagawa ng libreng tuli, hindi nauubusan ng mga batang supót.

Naaalibadbaran si Matthew sa dami ng tao. Kanina pa niya gustong paalisin ang mga usisero. Isang bantay lang bawat bata, gusto niyang isigaw. Kahit ang mga tanod na pakalat-kalat at ang mga pulitikong gusto lang magpa–photo op ay gusto niyang itaboy. May mga tarantado pang naninigarilyo sa loob, na lalong nagpapadagdag sa init ng kuwarto at ng kanyang ulo. Hindi sapat ang tatlong bentilador kontra sa tindi ng sikat ng araw ngayon. Hindi siya magtataka kung may batang hihimatayin sa pinagsamang init at kaba.

Ngunit ipinaalaala niya sa sarili—wala siya sa kanyang teritoryo. Siya ay isang dayo na nagkukusang-loob lang na tumulong. Bubulungan na lang niya mamaya ang barangay captain na nag-imbita sa kanyang sumama sa libreng tuli. Hindi na siya tumanggi sa paanyaya dahil ito na ang huling tag-araw niya sa Pilipinas sa loob ng matagal ring panahon. Malabong may magpatuli sa kanya sa Amerika.

Pagkahubad ng mga duguang guwantes, dinukot niya ang kanyang cellphone sa bulsa. Nakatatlong missed call at dalawang text message si Eileen. Maiksi lang ang kanyang reply, “OK. See you.” Mamaya na niya iisipin kung bakit gusto nitong makipagkita. Hindi siya puwedeng mawala sa konsentrasyon; kinabukasan ng mga bata at—mas matimbang—lisensya niya ang nakataya sa kanyang ginagawa.

Sunod niyang dinukot ang kanyang panyo upang magpunas ng pawis. Basang-basa na ang panyo. Paano naman siya makapagtutuli nang maayos nito? Sa tuwing yuyuko siya upang mas makita ang ginagawa ay natutuluan ng pawis ang kanyang operating field. Nababalewala ang pag-iingat niya upang manatiling sterile ang kanyang pag-oopera. Patigasan na lang ng resistensya; mga batang kalye naman ang mga ito.

“Ano Dok, isa pa?” sigaw kay Matthew ng nakabantay sa pintuan ng barangay hall. Trabaho nito ang paisa-isang papasukin ang mga nakapilang bata.

Sumenyas ng OK si Matthew.

Tumingin siya sa kanyang relo: alas-onse y medya na pala. Sa loob lang ng tatlong oras, nakasampung bata na siguro siya. Malamang higit pa, hindi niya matiyak. Matagal na niyang itinigil ang pagbibilang ng mga batang tinutuli niya. Sa dami ng batang ginawa niyang binata, ang pagtutuli ay para na lamang pagsesepilyo ng ngipin para sa kanya. Hindi na pinag-iisipan. Animo’y gumagalaw na lang nang kusa ang kanyang mga kamay.

Tinungo niya ang sulok ng mga nursing student. Nagdadaldalan na ang mga ito. Pinakalansing niya ang mga nagamit na instrumento nang ilapag sa kanilang mesa: mamaya na ang kuwentuhan, trabaho muna.

“Wala pa bang bagong set?” pasaring niya sa estudyanteng pinakamalapit sa kanya.

Dali-dali itong humugot ng mga instrumentong nakababad sa kaldero. Inilagay ang mga gamit sa kidney basin at iniabot kay Matthew.

“Dok, ‘eto na po.”

Hindi siya nagpasalamat.

Pagbalik niya sa kanyang puwesto, naghihintay ang isang payat na bata. Mukhang tatay nito ang kasamang lalaki. Tinapik ni Matthew ang kaliwang balikat ng bata, saka nagtanong, “Anong pangalan mo, pare?”

“Lemuel po.”

Inilapag ni Matthew ang kidney basin sa mesa at ipinuwesto na rin ang gagamiting guwantes, micropore tape, hiringgilya, gasa, Chromic 3-0, at bote ng lidocaine. Bawat isa ay may nakatakdang lugar sa mesa upang mabilis ang pag-oopera. Kumbaga sa silid-aralan, bawal ang magpalit-palit ng upuan.

“Ilang taon ka na, Lemuel?”

“Onse po.”

“Ayos. Patingin nga ng titi mo, pare.”

Swabe ang pagkakatanong. Walang halong kaartehan. Sa kanyang tono, tila ordinaryong bagay lang ang paglalaglag ng iyong salawal at pagbuyangyang ng iyong titi at bayag sa harap ng maraming tao, ‘di malayo sa pagyayabang ng bagong singsing o kuwintas.

Sandaling natigilan ang bata. Lumingon ito sa mga katabi. Sanay na sa ganitong reaksyon si Matthew. Naniniwala kasi siya na kung gusto mo silang turuan kung paano maging tunay na lalaki, hindi mo sila gagamitan ng boses-Kenkoy at sasabihan ng, “Ready ka na ba, Totoy? Pasilip nga si Dok ng munting pututoy mo.”

“O ipatingin mo na kay Dok ang titi mo. Paano tayo matatapos niyan?” Marahan pang tinuhod ng tatay ang likod ng anak bilang pag-uudyok.

Sabay na ibinaba ni Lemuel ang kanyang brief at salawal hanggang sa kanyang tuhod, saka iniangat ang sando hanggang sa pusod.

Tatlong tahi lang ito, tantiya ni Matthew.

“Tagpos ka na ba?”

Tumingala ang bata sa kanyang tatay.

Nahalata ng doktor na hindi alam ng bata kung ano ang ibig niyang sabihin.

“Kaya mo na bang ilabas ang ulo?” Hindi na hinintay ni Matthew ang sagot. Kahit wala pang guwantes, binulatlat niya ang ulo ng ari ng bata.

“Sir,” tumingala si Matthew sa kasama ng bata, “medyo masakit kapag tinuli natin ang anak niyo ha. Hindi pa kasi siya tagpos.”

“Ano ho ‘yun, Dok?”

“Tignan mo, kapit na kapit pa ang karamihan nung foreskin o ‘yung sobrang balat sa paligid ng ulo. Kailangan kong paghiwalayin ‘to mamaya bago siya tuliin para maalis natin lahat ng kupal.”

“Sige po, Dok, kayo na ang bahala.”

Pinapuwesto na ni Matthew si Lemuel sa mesa. Umupo siya sa harap ng nakabukakang bata. “Sumigaw ka na kung gusto mo, pero huwag na huwag mong hahawakan ang titi mo kapag nagsimula na tayo. Kapag ginawa mo ‘yun, magnanana ang titi mo, maliwanag?”

“Opo, Dok.”

Naging mabilis ang paglalagay ng Betadine at pagbibigay ng anesthesia. Bahagya lang napaaray ang bata nang iturok ni Matthew ang karayom ng hiringgilya. Subalit gaya nang inaasahan, nang tatagpusin na niya ang bata, nagsimula na itong pumalag. Sa bawat pagdikit ng instrumento sa titi ni Lemuel, lumiliyad ang bata.

“Pare, lalaki ka ba talaga?”

“D-d-dok, opo! M-m-masakit lang po, Dok.” Pataas ang tono ng boses. Nanginginig.

Ibinabaluktot nito ang likod at itinataas ang tiyan, tila sinasapian ng masamang espiritu. Nanggigigil ang mga ngipin, pinipigil ang sarili sa paghiyaw. Kinakailangan pang hawakan ng tatay ang anak para manatiling nakahiga sa mesa.

“Masakit talaga ‘tong ginagawa ko. Pero anong gusto mo? Magtuturok na naman tayo ng pampamanhid?”

“Huwag na po, D-D-Dok… T-t-tuloy na l-lang po….”

Muling hinawakan ni Matthew ang titi ni Lemuel. Subalit nang mailalabas na niya ang mga nakatagong kupal sa ilalim ng nakadikit na balat, biglang hinawi ng bata ang kanyang dalawang kamay.

“Putris.” Hindi na siya sterile. “Ano ba? Ititigil na ba natin? Marami pang batang nakapila. Mukhang mas matapang sila sa iyo. Umuwi ka na kung gusto mo. Magpatukso ka na lang ng supót sa mga kalaro mo.”

“Dok, masakit po talaga… ‘Tay, hindi yata tumalab yung gamot.”

“Anak naman talaga.” Umiling ang tatay. “Konting tiis na lang. Ikaw lang ang maarte sa mesang ‘to. Akala ko ba binata ka na?”

Nagsimula nang lumuha ng bata.

“Tulungan mo na si Dok para matapos siya agad. Buti nga ngayon, may pampamanhid na. Nung panahon ko, pukpok lang ang tuli.”

“Kita mo? Hindi ka ba nahihiya sa tatay mo?”

“Naku Dok, pinaligo lang ako sa ilog nu’n. Pinanguya ng dahon ng bayabas. Tapos hinatak na ng albularyo ang titi ko.” Hinila ng tatay ang kanyang kunwaring titi sa hangin. Nginuya ang kunwaring dahon ng bayabas.

“Pagbilang ng tatlo, ‘Pak!'” Tinaga ng kanang kamay na nagkukunwaring labaha ang kunwaring titi na hawak ng kaliwa. “Ganu’n lang, tuli na. ‘Yung dahon ng bayabas na nginuya ko, ‘yun na ang pantapal bago umuwi. Walang ane-anesthesia.”

“Ano Lemuel, ganu’n na lang? One-two-three-‘Wapak!’ Tuli ka na. ‘Yun ata ang gusto mo eh. De pukpok para mabilis.”

“‘Wag po Dok, ituloy na po natin. Hindi na po ako gagalaw.”

“Tama na ang iyak. Pare naman, kahit tuliin kita ngayon, paano ka sasagutin ng nililigawan mo kung iyakin ka? May lalaki bang iyakin?”

Ginamit ni Lemuel ang hinubad na salawal upang punasan ang dumaloy na luha at tumulong sipon. Kinagat niya ang laylayan ng suot na t-shirt at muling humiga nang tuwid.

“Ituloy mo na Dok. Hahawakan ko na lang siya nang mas mahigpit.”

Inabot din ng kinse minutos bago natapos si Matthew. Nagdagdag siya ng dalawang tahi dahil may tinamaan siyang ugat.

“Tapos na tayo, pare. Guwapo na ang titi mo. Matutuwa na ang mga chicks sa iyo niyan.”

Tumayo si Lemuel. Isinuot niya ang salawal at ibinulsa naman ang brief. Dahan-dahan at tila tinatantiya ang bawat pagkilos. Natatakot sigurong makalas ang mga tahi at kailanganing magsimula na naman sa simula. Hindi man lang ito tumingala o nagsalita, tila isang sundalong umuwi nang talunan galing sa digmaan.

“Dok, salamat po. Sa wakas may binata na ako.”

Iniabot ng tatay ang isang kamay.

Itinaas ni Matthew ang kanyang mga daliri at siya’y umatras, pagsenyas na nakaguwantes at marumi pa ang mga kamay, pero binalewala ito ng kaharap at bagkus ay hinila pa ang kanyang kanang kamay at ipinaloob sa dalawang palad. Naramdaman ni Matthew ang pagkapit ng malagkit na dugo sa mga palad ng tatay. Sa gilid ng kanyang paningin, nakita niyang dumiretso na sa pintuan si Lemuel. Sa tatay na lang niya ipinaliwanag ang mga gamot na iinumin at kung paano lalanggasin araw-araw ang sugat.

“Sige po, Dok. Sa susunod na taon ulit, ‘yung pangalawa ko naman.”

Tumango lang si Matthew. Pinagmasdan niya ang tatay nang maglakad ito patungo sa anak. Ginulo pa nito ang buhok ni Lemuel (na bahagyang nagulat dahil nakatalikod), bago sila lumabas nang sabay.

“Dok, kain muna tayo ng tanghalian,” alok ng isang tanod.

“Sige Sir, sunod na lang ako.”

Hinubad ng kanyang mga kamay ang suot na guwantes, dinampot ang mga kailangang damputin, at itinapon ang mga kailangang itapon. Hindi na kailangang mag-isip. Kanina pa lumipad ang utak niya, nasa labas ng barangay hall at nilalasap ang mabangong ulam at preskong hangin.

 

ALAS-SAIS PA ANG USAPAN NILA, pero sinadya ni Eileen na mauna sa coffee shop ng isang oras. Bukod sa kailangan niyang makatiyak na mayroon silang mauupuan, hindi pa niya alam kung paano sasabihin ang balita. Mabilis lang ang animnapung minuto. Hindi marunong ma-late si Matthew.

Pinili niya ang isang mesa sa sulok. Umupo siyang nakatalikod sa mga tao. Dahil ang mga dingding ay gawa sa salamin, tanaw niya ang mga jeep na bumibiyahe sa Pedro Gil. Kapag naglalakad siya sa nasabing kalye, inis na inis siya sa ingay ng mga jeep na patigil-tigil para makapagsakay ng mga pasahero. Ngayon namang nakikita lang niya ang mga jeep at wala siyang naririnig na kahit ano, binubuhay niya sa isip ang mga busina at tambutso.

Paano ba niya sisimulan? Sa Congratulations? Natawa siya sa sarili. Malabo. Sasabihin ba niyang May bad news ako?

Mabuti pa ang mga doktor, bihasa na sa pagsasabi ng mga balitang hindi nila alam kung paano tatanggapin ng kausap: “May lamat ang baga mo sa x-ray.” “Tapos na ang operasyon pero hindi pa natin masabi kung magiging maayos ang kalagayan ng anak mo.” “Kailangan natin siyang lagyan ng tubo at ikabit sa makina para makahinga.” Noong nagkukuwento pa si Matthew tungkol sa pakikipag-usap nito sa mga pasyente, hindi maiwasan ni Eileen ang mapahanga. Talaga? Nasabi mo ‘yun? Paano? Anong sabi ng bantay sa iyo? Sa sandaling ito, habang pinagmamasdan ang mga piping jeep, hiniling ni Eileen na sana ay doktor na lang siya sa halip na isang ad executive.

Inisa-isa niya ang mga gusto niyang sabihin at kung paano niya maaaring sabihin ang mga ito. Inilarawan niya sa isip ang mga posibleng reaksyon ni Matthew at kung paano niya haharapin ang bawat reaksyon. Nagsalang siya ng DVD sa kanyang ulo at paulit-ulit niya itong pinanood. Sa bawat pagpindot ng play, nag-iiba ang ending. Rewind. Play. Rewind. Play ulit. Isang pelikulang walang tunay na katapusan. Nasusuka siya.

Sa huli, nang dumating ang takdang sandali, itinulak na lamang niya papalapit kay Matthew ang puting sobreng nakapatong sa mesa. Ito na ang magbibigay ng balita. Doktor naman ang kanyang kausap; hindi na niya kinakailangang magsalita.

“Ano ‘to?” Tinitigan muna ni Matthew ang sobre. Bagong suklay ito pero hindi na nagpalit ng scrub suit na pang-itaas. Nagpabango pero hindi maikubli ang amoy ng rubbing alcohol at Betadine. May bahid pa ng dugo sa bulsa. Malamang dumiretso na rito galing sa tuli mission. Inilapag ni Matthew ang biniling kape bago umupo sa tapat niya.

Nanatili siyang tahimik. Pinagmasdan niya ang mga magagaspang na kamay nang damputin ang sobre at kapain ang nasa loob. Mabilis, marahas ang pagpunit ng puting papel para makuha ang nilalaman. Nang lumantad sa palad ang test kit na sinlaki ng USB drive, sandali itong natigilan.

Iniangat ni Eileen ang tingin sa mukha ng kaharap: walang bakas ng pagkabigla. Wala siyang mabasa sa mukha ng lalaki. Walang tuwa. Walang lungkot. Walang galit. Blangko. Ganito siguro ang itsura ng mga doktor bago sabihin sa isang pasyente na mamamatay na siya sa sakit na kanser. Sa loob ng pinakamahabang limang minuto para kay Eileen, nanatiling nakatungo si Matthew, nakatitig sa dalawang guhit na pink.

“Paano nangyari ‘to?”

“Anong ‘Paano nangyari ‘to’?”

“Ginawan kita ng reseta. Binigyan kita ng pera. Sinamahan pa kitang bumili ng gamot sa drugstore bago kita ihinatid pauwi. Pa-a-no… nang-ya-ri… ito?”

Tumingin siya nang diretso sa mga mata ni Matthew. “Hindi ko ininom.”

“Ha?” Ihinampas ni Matthew ang dalawang palad sa mesa. Lumingon ang mga estudyanteng nag-aaral sa mga katabing upuan. “Bakit?”

“Ayoko ipalaglag ang baby natin.”

“Kailan pa naging abortion ang morning-after pills?” Inilapit ni Matthew ang mukha sa kanya habang pinipigil ang pagtaas ng boses. “Kapag uminom ka ng C****** ngayon, ‘yun ang abortion.”

“Sa inyong mga doktor, hindi. Pero sa mga tulad ko, abortion pa rin ‘yun.”

“Hindi ako nagpunta dito para makipagtalo tungkol sa RH bill sa iyo.”

“Ano ang gusto mong mangyari?”

“Hindi ko alam.”

“Anong ‘Hindi ko alam’?”

“Pwede ba, ‘wag ka nang magtanong kung alam mo namang hindi mo magugustuhan ang isasagot ko. Baka nakakalimutan mong break na tayo. I’m leaving at the end of the month. Hindi mapipigil ng baby mo ang pag-alis ko.”

“Hindi ko naman gustong sirain ang mga plano mo… Umasa lang ako na magpapakalalaki ka.”

“Siraulo ka pala. Kung nag-isip ka nang matino at ininom mo ‘yung pills nung umagang iyon, wala ka sanang pinoproblema ngayon.”

PLAAAAK!

Hindi niya binalak na manampal. Wala sa script ng pelikula. Gusto niya sanang sabihin, Ikaw ang siraulo. Sana nag-isip ka nang matino nung alisin mo ‘yung condom sa titi mong nakapakatalino. Pero naunahan ng kanang kamay ang kanyang mga labi.

Hinablot niya ang bag na nakasabit sa silya. Tumayo siya at naglakad papalabas, ramdam ang pagtahimik ng pagbubulungan mula sa mga usisero sa naganap. Itinaas ni Eileen ang kanyang noo. Hindi siya iiyak.

17 comments

  1. Hindi ko inasahan ang ending. Wala ka pa ring kupas, Ronnie. Astig.

  2. Mam demagante

    tuwang tuwa ang anak ko ng binabasa ko to sa kanya.nakarelate dun sa tuli.hehehe.njoy ko magbasa nito,more stories ha dok!

  3. galing kuya. 🙂 ang sarap gawan ng screenplay at isapelikula.. 🙂

  4. ang galing! Pak!

  5. I liked the title – “Nang Magtagpo ang Dalawang Supót”. Great story … 🙂

  6. Glad to see your blog is back! 😀 Shadow-walker is one sick guy …

  7. =) hehehe sarap magbasa ng blog mo sir ronie =)

  8. Nice po..he accused the child Na duwag peru mas duwag xa…

  9. maganda.. 🙂

  10. ang ganda talaga! ang galing mo doc! idol!

  11. idol na kta doc . . .

  12. Nice story Sir is this a true to life story?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *