Lab-dab, Lab-dab

Nung Marso, pangalan lang niya ang kilala ko. Nung enrollment, ni hindi ko siya napansin sa pila. Nung isang buwan, ngumiti siya sa akin nang mag-“Hi” ako sa kanya. Nung isang linggo, tinawag niya ang pangalan ko. Kahapon, nahingi ko ang cell number niya. Kagabi, nagreply siya sa text ko. Pagkagising ko kaninang umaga, napag-isip-isip ko, “Med life just got better, ronibats.”

Para akong eroplanong walang pakpak. Walang pakpak pero lumilipad. Ibinato lang sa himpapawid pero lumilipad. Umuuga-uga habang kumukulog at kumikidlat, pero lumilipad. Ganito pala ang pakiramdam ng may inaabangang pumasok sa klase tuwing umaga.

Haaaaaay.

“It’s her hair and her eyes today,
That simply take me away.
And the feeling that I’m falling further…”

Pakshet. Hindi nga pala ako marunong kumanta.

Kung alam lang niya, kada exam, tinitignan ko sa class list kung anong seat number ang na-assign sa kanya (“Sana magkatabi kami, sana magkatabi kami…”). Kung alam lang niya, natapos ko nang 30 minuto ang exam nung Biyernes dahil nagkausap kami nung umaga (Adrenaline rush?). Kung alam lang niya, nanghihinayang ako dahil hindi ko na-record ang boses niya nang una niyang banggitin ang pangalan ko (Tuloy, sa isip ko na lang pinagtiyatiyagaang i-rewind…).

Oh my gulay. Para akong ibinalik sa high school.

Magpagupit kaya ako? Iyong crew cut at pagkatapos ay ige-gel para nakatikwas ang harap? Magpatubo ng goatee? Maghikaw? Magbodybuild? Hahahaha. Hehehehe. Hihihihi. Gaaaaaaad. Naprapraning na ata ako; diretso ward seven ang bagsak ko nito.

“Lilipas din ‘to. Lilipas din ‘to. Lilipas din ‘to.” Bago kong mantra. Pampakalma ng puso. Repeat three times a day. Or as often as necessary. Tuwing papasok siya nang late sa lecture room. Tuwing matatanaw ko siyang nakasubsob sa microscope sa Histology lab. Tuwing magca-cadaver hop ako sa dissection table ng Anatomy group niya.

Aaaaarggh! Eh paano kung ayaw kong lumipas? Kung gusto kong lagyan ng “Happily ever after…” ang “Wansapanataym…”?

Sawa na ako sa kananakaw ng sulyap sa kanya tuwing klase. Sawa na ako sa linyang “O, kamusta ang exam?” tuwing makakasalubong ko siya sa Med stones.

Gusto ko siyang marinig magmura. Gusto kong malaman kung anong kape ang tinitimpla niya kapag nagpupuyat siya. Gusto kong makahingi ng grad pic para hindi ko na kailangang ipa-photocopy ang yearbook nila. Gusto ko siyang makilala.

Haaaaaay. Maka-“Da Moves” na nga….

4 comments

  1. grabe. hindi maalis ang ngiti ko sa labi habang binabasa ko ito. hahahaha

  2. Makes me wonder kung anong nangyari sa da moves na pinlano mo, Doc.

  3. BITINNNNNN! Pede po bang to be continued hahaha! :)) sa lahat ng nabasa ko ito yung pinakanatuwa ako. 🙂

  4. I can imagine the “kilig” you’re feeling while typing this.

    Habang inaalala ang mga alaala
    Kumakanta, tumatawa
    Ngumingiti, parang kinikiliti… haaayyy
    Ang lakas maka- #PersLab

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *