Kuwentong 100

Scalpel

Mag-o-overtime uli siyang mag-isa sa lab. “Ma-uno mo Anatomy niyan!” hirit ni Jan bago umalis. Ngumiti lang siya.

Balak niyang mag-ikot. Ngayong nasa Lower Extremities Interval na sila sa klase, kung saan-saan na itinatambak ang mga puso at atay ng ibang bangkay. Sayang.

Naalala niya nang tanungin siya ng ama, ano ba ang itsura ng kinukutkot nila? Akala nito, parang baboy na mabibili mo sa palengke: malambot, madugu-dugo, sariwa. Sagot niya, parang litson: malutong ang balat, mamantika, luto sa formaldehyde ang laman.

‘Langya. Maghapon na naman niyang pipiliting makuntento ang sarili sa paglalaway.

Bakit naman kasi kailangang nakalalason ang formaldehyde.

Mikropono

Kumakanta lang siya kapag meron siyang regla. Dahil kapag wala siyang dalaw, sintunado raw siya sabi ng tiyuhin niya.

Idol niya si Sarah. Kung pwede sana, araw-araw siya mag-eensayo ng Sa Iyo. Kaso, tuwing uuwi ang tiyuhin niya at alam nitong wala siyang regla, pinadidiretso agad siya sa kwarto para matulog. Ang nakakatawa, madalas, nananaginip siyang may hawak na mikropono kaya nakakakanta pa rin siya!

Pero mabait ang tiyuhin niya. Bukas nga, sasamahan siya nito mag-audition. Doon na siya pinatutulog sa tabi nito mamaya para maaga siya magising. Saktung-sakto, kasi bukas siya rereglahin.

Excited na siya; mukhang hindi siya makakatulog.

Bababa

Singkwenta mil kapalit ng pagpindot ng isang numero – bakit siya tatanggi? Garantisadong walang sabit, huwag lang siyang magkakamalay hangga’t hindi dumarating ang mga pulis.

Taas-baba raw ang buhay ng tao. Sawa na siya sa ibaba; alas-kwatro bukas, pagkakataon na niyang magawi naman sa itaas.

Manggagaling sa 12th floor ang doktor, suot ang mamahaling jogging shorts at rubber shoes gaya ng nakagawian. Hindi sila magkakilala; ni minsan, hindi ito ngumiti sa kanya.

Sa halip na idiretso sa lobby, kailangan lang niyang idaan ang elevator sa 6th floor kung saan may isang lalaking naghihintay. “Bababa ba?” sasabihin nito.

“Bababa.”

Gaano kahirap iyon?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *