Dwende

Takot ako sa mga dwende. Pinatay ng mga dwende ang tatay ko kagabi. Nang mapansin kong nakahandusay siya sa loob ng aming barong-barong, hindi ko pa yun alam. Subsob ang mukha niya sa basang sahig (tumutulo na naman ang bubong) habang nakakapit ang kanang kamay sa paa ng mesang patungan ng tv kapag hindi kami kumakain at higaan ko naman kapag gabi.

“Nanay, hindi po ba natin gigisingin si Tatay?”

Napatigil ang nanay ko sa pagbabalot ng mga damit namin ni Pamela sa isang malaking kumot. Tumalikod siya, dahan-dahang lumapit sa akin at lumuhod sa harapan ko hanggang sa magpantay ang aming tingin. Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. Hinawi niya ang aking buhok at sinapo ng mga palad ang magkabila kong pisngi.

“Wala na ang Tatay, Eli.”

“Kagagawan ba ‘to ng mga dwende?” tanong ko sa garalgal na boses.

Isang mahinang tango ang sagot ni Nanay, saka bumagsak ang luha sa namamagang kaliwang pisngi, dumaan sa gilid ng butas ng ilong kung saan may marka ng natuyong dugo, hanggang sa tuluyang maglaho sa kanyang pumutok na labi.

Bumalik siya sa pagbabalot ng mga damit. Dahil kaunti lang naman ang mga ito, isinama na rin niya sa kumot ang radyo, ang dalawang dede at ang bote ng Tiki-Tiki ni Pamela. Isinukbit niya sa kaliwang balikat ang kumot, kinarga ang aking anim na buwang kapatid sa kabila. Pinabuhat niya sa akin ang de-pukpok na tv at hindi na ako pinagpalit ng bihis. Matapos titigan sa kahuli-hulihang pagkakataon si Tatay, nilisan namin ang barong-barong kung saan ako ipinanganak. Malamig ang hangin sa labas; nagsisimula pa lang sumikat ang araw.

Sa bus na napansin ni Nanay na parehong kanan ang naisuot niyang tsinelas.

Mula nang dumating ang mga dwende sa buhay namin, lagi ko nang nakikitang umiiyak si Nanay.

Naaalala ko pa ang umaga matapos unang mag-uwi ng mga dwende si Tatay. Nagtaka ako noon paggising ko dahil nakayakap sa akin si Nanay. Sa sahig kasi talaga siya natutulog, kasiping ni Tatay. Pero hindi nang umagang yun; nakabaluktot siya sa tabi ko para magkasya kami sa mesa, habang naghihilik nang malakas ang tatay kong nakahilata sa sahig. Tulog pa si Pamela sa kanyang duyan.

Agad akong bumangon.

“Nanay! Nanay! Ano po ang pasalubong sa akin ni Tatay?”

Tinapik ko ang mga balikat ni Nanay para magising siya. Nabanggit kasi niyang bigayan ng unang sweldo nung nakaraang gabi; baka uwian daw ako ng tsokolate o kaya laruan ni Tatay. Dahil doon, sinubukan kong hintayin ang pag-uwi ang tatay ko. Kahit na may pasok kinabukasan, hatinggabi na ako natulog. At kaya lang ako natulog eh dahil nangako ang nanay kong gigisingin ako kahit na madaling-araw pa dumating si Tatay.

Nagising naman agad si Nanay, pero saglit akong nagtaka dahil hindi niya maidilat ang kanyang kanang mata, malamang sa sobrang puyat.

“Dwende, Eli. Pinasalubungan ka ng mga dwende ng Tatay,” bulong ni Nanay.

Nang marinig ko ang salitang dwende, agad nagsulputan sa isip ko ang mga bagay na kayang-kaya nilang i-magic. Bisikleta ang una kong hihilingin, para hindi na ako maiinggit sa kaklase kong si Jon-Jon. Makakatikim na rin ako sa wakas ng litsong manok, makakapagsuot ng Justice League na t-shirt at makakatira sa malaking bahay!

“E nasaan na po ang mga dwende?” Hindi ko maitago ang pananabik.

“Anak,” umiwas ang nanay ko ng tingin, “…sorry, nakatakas sila e.”

“Ha? E di sayang naman ang pasalubong ni Tatay,” sabay kamot ko sa aking ulo.

“Pasensya na talaga, anak, sinubukan ko silang ikulong sa bote, kaya lang, nagalit sila sa akin. Tignan mo, pinarusahan tuloy nila ako.”

Saka ko natitigan ang matang hindi maidilat ni Nanay. Nangangasul ito at may sugat na nagdurugo sa kilay.

“Nge!” ang tangi kong nasabi.

“Huwag kang mag-alala, baka sa susunod na sweldo, pasalubungan ka ulit ng mga dwende ng Tatay, hindi ko na pakakawalan. Pangako.”

Niyakap ako ng mahigpit ni Nanay at sabay kaming bumaba ng mesa upang maghanda sa pagpasok ko sa eskwela. Pinagsuot niya ako ng tsinelas; binasag daw kasi ng mga dwende ang mga baso namin sa galit at may mga bubog pang nagkalat sa sahig.

Humalik ako sa pisngi ni Tatay bago pumasok, bilang pasasalamat sa pasalubong niyang kahit hindi ko nakita, e sapat nang kwento upang ipagyabang ko sa mga kaklase ko nang araw na yun. Hindi siya nagising, at kahit gusto ko e hindi na siya pinagising ni Nanay sa akin.

Pag-uwi ko nang tanghali, inabutan ko ang Nanay ko sa may lababo, humihikbi habang nilalapatan ng yelo ang namamagang mata.

Nang tanungin ko siya kung bakit siya umiiyak, ang tanging sagot niya, na magiging sagot niya nang ilang beses pa tuwing makikita ko siyang umiiyak: “Ang mga dwende kasi. Alam mo namang gustung-gusto kong pabaitin sila para sa inyo ni Pamela ‘di ba?”

Lagi akong yayakapin ni Nanay pagkatapos. Kapag wala siyang ipag-uutos, magbihihis na agad ako at lalabas upang makipaglaro sa kapitbahay. Pag-uwi ko para maghapunan, nakangiti na uli si Nanay, kahit hindi pantay dahil sa pumutok na labi, at sabay kaming maghahapunan.

“Ano po ba ang itsura ng mga dwende, Nanay?”

Nagsasampay noon ng mga damit ang nanay ko; minsan isang linggo, may nagpapalaba kay Nanay. Karga-karga ko si Pamela.

“Nanlalaki ang mga mapupulang mata nila. Tumatagas ang pawis sa mukha at mga kamay.”

Huminga siya ng malalim, saka lumingot sa akin at itinuloy ang sagot, “Kahit isang dipa ang layo mo e mararamdaman mo kung gaano kalakas at kabilis ang pagtibok ng puso ng mga dwende. Higit sa lahat, ayaw nilang makakarinig ng mga matitinis na boses.”

“Akala ko po mababait ang mga dwende? ‘Di ba tinutupad nila yung mga wish ng mga mababait na tao sa tv? Tinulungan pa nga nila si Snow White e!”

“Akala ko rin, anak. Akala ko rin.”

Puno ng mga pasa ang kanyang binti at umiika siya habang buhat-buhat ang palangganang may mga basang damit. Muntik na siyang madulas. May ginawa na naman ang mga dwende sa kanya kagabi.

Madalas paduguin ng mga dwende ang kilay ni Nanay. Lagi na lang nangingitim ang mga mata niya. Minsan naman, hiniwa siya ng mga ito sa kanang kamay. Ilang linggo rin siyang hindi makatanggap ng labada dahil doon, gaya nung pasuin siya ng plantsa sa braso.

Nagtataka tuloy ako, bakit si Nanay lang ang sinasaktan ng mga dwende?

Matagal ko nang gustong itanong kay Tatay kung bakit pa siya nagpapasalubong ng mga dwendeng hindi ko na nga nakikita, sinasaktan pa si Nanay. Kaya lang, hindi na kami nagpapang-abot na gising. Kapag dumadating siya galing sa konstraksyon, madalas, tulog na ako, at kapag papasok na ako sa eskwela, siya naman ang tulog.

Hindi ko na matatanong si Tatay.

“Nanay, paano kung sundan tayo ng mga dwende? Sigurado ako, kaya nila yun kasi marami silang kapangyarihan!”

Hinihintay naming mapuno ang ordinaryong bus na biyaheng Balanga. Doon na raw kami titira, kasama ng lolo at lola kong ngayon ko pa lang makikita.

“Huwag kang mag-alala, patay na ang dwende, Eli. Hindi na niya ako masasaktan. At mas mahalaga, hindi na siya magkakaroon ng pagkakataong saktan kayo ni Pamela.”

“Waw!” nanlaki ang aking mga mata, “Ibig sabihin, pinatay ni Tatay ang mga dwende kaya siya namatay?”

Hindi na sumagot si Nanay. Ihiniga niya ang aking ulo sa kanyang hita, hinaplos ang aking noo hanggang sa ako ay makatulog.

Sa panaginip ko na natuklasan kung paanong ipinagtanggol ni Tatay si Nanay mula sa mga masasamang dwende.

1 comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *