Bantay

Eli

Sabi ng doktor, kailangan daw bigyan ng Barbie doll si Nikka upang gumaling.  Hindi maiwasang mainggit ng siyam na taong si Eli.  Makukuha na ng kanyang bunsong kapatid ang pinakaaasam nitong laruan.  Samantalang siya, tatlong Disyembre nang humihiling ng robot, pero palaging  nagtitiyaga sa t-shirt na nakakayanang bilhin ng kanyang ina.

“Anak, masama ang naiinggit sa kapwa,” sabi ni Aling Elsa sa anak noong nakaraang Pasko.  “Tignan mo o, bagay na bagay sa iyo ang kulay,” dugtong nito habang inilalapat sa dibdib ni Eli ang t-shirt na pinaghirapang agawin sa iba pang nanay na gustong makamura sa tiangge.

Simangot at buntonghininga ang tanging itinugon ng bata.

“Ikaw na nga ang niregaluhan, ikaw pa ang mareklamo.  Mas mabuti pa yatang hindi ka na namin payagang sumama kina Mark.  Wala kang natututunan sa mga iyon kundi luho,” pamaskong sermon ni Mang Piding.

Pero malakas ang loob ni Eli na hindi naman matutupad ang paninindak ng ama.  Si Aling Elsa ay buong linggong nagkakatulong kaya’t tuwing Sabado lang nakakauwi sa kanilang tirahan sa Las Piñas.  Si Mang Piding naman ay karpinterong umaalis araw-araw bago sila magising, at nakakauwi kapag tulog na silang magkakapatid.  Ang malimit na naiiwan sa bahay upang asikasuhin si Eli at ang dalawa niyang kapatid na babae ay ang kanilang Tiya Lumeng, kapatid ni Mang Piding na matandang dalaga at nakikipisan sa kanila.  Kahit ito ay umaalis sa araw upang makipag-Bingo sa mga kapitbahay.

Walang paraan upang mapigilan siya ng kanyang mga magulang sa pagsama sa mga kaibigan sa paaralan.  Tuwing matatapos ang klase, lagi silang naglalaro nina Mark, Jerome, Michael at Edwin.  Sa kanilang lima, siya na lang ang walang robot (Ito ay mula nang bigyan si Edwin ng kanyang mga magulang ng robot na nababaklas upang maging limang kotse, na maaari mong pagdikit-dikitin upang maging robot muli, noong sumapit ang kaarawan ng kaibigan).

Gumagamit naman siya ng “po” at “opo” kapag nakikipag-usap sa mga matatanda.  Sinusunod naman niya ang bawat ipag-utos ng mga magulang.  Bagamat minsan ay pasang-awa, wala siyang mga bagsak na marka.  Hindi rin niya inaaway sina Nikka at Tere; ipinagsasanggalang pa nga niya ang mga ito kapag may nang-aaway sa paaralan.  Sa loob-loob ni Eli, isa na siyang butihing bata pero bakit hindi siya maibili ng robot ng mga magulang?

Mula sa ilalim ng kamang bakal kung saan siya ay naglatag ng kumot bilang higaan, pinakikinggan niya ang ama’t inang nag-uusap kung saan makakahanap ng Barbie doll.  Ito ang huling ibinilin ni Aling Elsa kay Mang Piding – ang dumaan sa Divisoria kinabukasan pagkatapos ng trabaho upang bilhin ang nasabing manyika bago dumiretso sa ospital.  Gusto sana ni Aling Elsa na sa katabing mall na lang bumili para mapadali, pero ikinatuwiran ni Mang Piding na sayang din ang matitipid nila; maipambibili rin iyon ng gamot.

Tiyak na magkakaroon na ng Barbie doll si Nikka bukas.

Bagamat tagaktak ang pawis at tadtad sa kagat ng lamok, nakatulog si Eli, yakap ang hiling na sana ay magkasakit na lang din siya.

Elsa

Sa loob ng nakaraang apat na araw, halos tatlong oras pa lang ang naitutulog ni Elsa.  Mula nang isugod niya ang pitong-taong bunso sa emergency room ng PGH, hindi na niya magawang umidlip nang lagpas kinse minutos.  Tuwing babagsak ang talukap ng kanyang mga mata, tila hinahagupit ang kanyang puso upang bumilis ang pagtibok.  Mahapdi ang latay ng pag-aalala, subalit higit pa rito ang latay ng konsensya.

Mag-iisang taon na siyang namamasukan bilang katulong sa isang pamilyang Hapon sa Quezon City.  Lunes hanggang Biyernes siya namamalagi sa mga amo; isa siya sa anim na utusan sa bahay.  Ang pangunahing tungkulin niya ay magsilbing yaya sa limang anak:  dalawang babae at tatlong lalaking edad lima hanggang labintatlong taong gulang, pawang mga sutil lahat.

Siya ang nag-aasikaso sa mga ito mula sa paggising tuwing umaga, hanggang sa pag-uwi galing sa eskwela.  Siya ang tagabalot ng mga baong meryenda, ang tagabitbit ng water jug at bimpo sa palaruan, ang tagapunas ng sipon at pawis, ang tagadampot ng bolang napupunta sa putikan, ang tagadala ng mga librong naiiwan sa bahay at tagakuha ng report card tuwing matatapos ang bawat quarter ng pasukan.  Siya ang tipikal na yayang naka-uniporme at laging nakabuntot sa mga alaga, ang nagpupuno sa mga tungkuling hindi maasikaso ng mga among laging abala sa negosyo. Pero ni minsan, hindi pa siya nakakarinig ng salamat mula sa kahit kaninumang pinagsisilbihan.  Lagi pang pasigaw kung mag-utos ang mga ito, tila bingi ang turing sa kanya.

Sabagay, sinusuwelduhan naman siya nang matino.  Kung hindi lang siya nanghihinayang sa dagdag na kita buwan-buwan, hindi niya tatanggapin ang trabaho.  Kahit papaano, kumikita naman si Piding sa pagkakarpintero.  Namumroblema lang naman sila sa pera kapag matatapos na ang project nina Piding subalit hindi pa siya nakakahanap ng malilipatan.

Saka lang talaga siya nakumbinsing magkatulong nang tumuntong sa grade one si Nikka.  Bukod sa wala na siyang dapat alagaan sa bahay kapag umaga, lumaki ang gastos ng kanilang pamilya.  Kahit na libre ang matrikula sa pampublikong paaralan, mabigat ang pang-araw-araw na gastos ng tatlong anak.  Hindi niya maatim na walang maibigay na pamasahe at baon sa mga ito, o kaya ay pambili ng gamit para sa mga proyekto.

Hulyo nang magsimula siya sa trabaho.

Subalit ngayon, habang ang kanyang bunsong anak ay nakaratay sa kasuluk-sulukang kama ng Ward 9 ng PGH, tinatanong ni Elsa sa sarili kung tama nga ba ang kanyang naging pasya.

“Misis, bakit ngayon lang kayo pumunta sa ospital e anim na buwan na palang nanlalabo ang mata ng anak mo?” pasinghal na tanong ng doctor na unang humarap sa kanila sa ER.

“Doktora, akala ho kasi naming mag-asawa, normal lang na may mga batang malabo ang paningin,” nakatungong tugon ni Elsa.  “Wala naman ho kasi kaming pera para magpatingin sa doktor nang basta-basta.”

“Hindi dahilan iyan, misis!  Tignan mo, kinokombulsyon na siya ngayon.  Malamang sa hindi, may tumor sa utak ang anak mo.  Hindi ko alam kung maaagapan pa natin ito.”

Tumor?  Hindi maaagapan?  Napalunok na lamang si Elsa sa bawat salitang narinig.

“Ngayon lang ba ito kinombulsyon?” tanong ng doktor habang iniilawan ang mga mata ni Nikka.

“Ni minsan, hindi po siya kinumbulsyon nung bata, kahit mataas ang lagnat.  Pero nitong nakaraang taon, hindi ko na po alam.  Wala po kasi ako lagi sa bahay.”

“Ha?  E sinong may alam?”

“Ang asawa ko po, kaya lang nasa konstraksyon pa po siya ngayon at bukas pa po makakarating.”

Umiling na lang ang doktor at hindi na nagsalita hanggang sa matapos ang kanyang pagsusuri sa bata.  Dumukot ito ng mga papel sa bulsa, pinirmahan at iniabot kay Elsa.

“Misis, may kasama ka bang pumunta dito?  Pabayaran mo ang mga ito – mga lab test iyan na kailangan nating ipagawa.  Tawagin mo yung intern kapag nabayaran na para makuhaan ng dugo ang anak mo.”

Naguluhan si Elsa sa sinabi ng doktor.

“Doktora, akala ko po libre magpagamot sa PGH?”

“Misis, wala nang libre ngayon.  Kahit pantusok ng suwero, napipilitan kaming ipabili sa mga pasyente.”

“Magkano ho kaya ang aabutin nito?”

“Yung CT-scan with contrast, isang libo.  Aabutin siguro ng three hundred pesos yung iba pa.  Kung gusto mong makamenos, subukan mong kumuha ng white card sa social service diyan sa kabilang kuwarto.”

“Kailangan po ba talaga ang mga ito, Doktora?  Bukas pa po kasi darating ang asawa ko.  Kulang po ang dala kong pera.”

“Kayo ang bahala.  Pero hangga’t hindi ninyo napapagawa ang mga lab test na iyan, hindi namin malalaman kung ano talaga ang sakit ng anak ninyo.”

Napakamot pa sa ulo ang doktor bago umalis, tanda ni Elsa.

Nang mga sumunod na araw, hindi siya magkandaugaga sa pagtakbo sa loob at labas ng PGH.  Magbabayad ng lab test.  Magdadala ng dugo sa laboratoryo.  Maghahabol ng mga doktor upang sabihing naipagawa na ang lab test. Tatawag kay Lumeng upang ipagbilin sina Eli at Nikka.  Tatawag sa asawa upang magpadelihensiya ng pera.  Tatawag sa mga amo upang sabihing hindi pa siya makakabalik sa trabaho.   Bibili ng mga gamot, karayom at lalagyan ng dugo.  Bibili ng kanin at ulam na hahatiin sa tatlong bahagi upang tumagal sa maghapon.  Kung dire-diretso lamang ang kanyang paglalakad sa halip na paroo’t parito, wari niya’y nakapaglakbay na siya mula Appari hanggang Jolo.

Mabuti na lang at napapakiusapan ni Elsa ang mga magulang ng pasyenteng katabi ni Nikka.  Sila ang umaantabay sa kanyang anak tuwing siya ay mawawala sa ER.  Hindi naman kasi maaaring lumiban sa trabaho si Piding; tiyak na masisisante ito dahil hindi siya permanente sa konstraksyon.  Kung pati si Lumeng ay papupuntahin niya sa ospital, sino ang mag-aalaga kina Eli at Nikka?

Inabot sila ng tatlong araw bago nakalipat sa ward.  Saka lang nila naipuslit papasok ang panganay na si Eli.  Makailang ulit din niyang sinanay sa pagsisinungaling tungkol sa edad at petsa ng kapanganakan ang anak (“Twelve po” at “April 29, 1994”).

Sa dami ng kailangang alalahanin at asikasuhin, binura na niya sa isipan ang mga salitang pahinga, ligo, kain at tulog.

Nagtuluy-tuloy ang mga oras na tila hindi sumasapit ang gabi, at ang alarm clock – na kailan lang ay naghuhudyat ng simula ng panibagong araw ng pag-aalaga sa mga batang hindi naman nagmula sa kanyang sinapupunan – ngayon ay napalitan ng mga hiyaw at hikbi ng sariling anak.   Pinanghihinaan ng tuhod si Elsa kapag naririnig ang anak na nagmamakaawa tuwing kukuhaan ng dugo, lalagyan ng suwero o kahit lalapitan lang ng mga taong nakaputi:  “Taaaa-maaaa na pooo!  Masakit naaaa-naaaay!”

Gusto mang saluhin ng ina ang kirot ng bawat karayom, ang tanging nagagawa niya ay yapusin si Nikka at hayaang mapuno ng luha at laway ang kanyang dibdib.

Elsa

Mula sa pagkakasandal sa kanto ng pader at kamang bakal, napansin ni Elsa na nag-iikot nang muli ang intern na kumukuha ng temperatura at blood pressure ng mga pasyente tuwing ikaapat na oras.  Mag-aalas-dos na pala ng madaling araw.  Mapipilitan na naman siyang gisingin ang anak.

Pinagmasdan niya ang mga talukap ng mata ni Nikka.  Halata ang pamamaga ng mga ito habang nakapikit.  May namuong sipon sa dalawang butas ng ilong, maputla ang mga labi at lubog ang mga pisngi.

Hinagod niya ang lampas-balikat na buhok ng anak.  Malagkit ito, bunga ng kawalan ng ligo.  Ang buhok na dati’y tuwang-tuwa niyang sinusuklay gabi-gabi bago matulog, ngayon ay tikwas-tikwas at pinamamahayan ng mga kuto.  Hinawi ni Elsa ang buhok ng anak at maingat na iniayos ang pagkakaunan ng ulo.  Basa ng pawis ang unan.  Ipinaalaala niya sa sariling magpadala ng pamaypay kay Piding.

Dahil sa malikot matulog, lumaylay na sa gilid ng kama ang kanang bisig at kamay ng bata.  Sa kanang kamay kasalukuyang nakakabit ang suwero kaya’t ito ang kamay na balot ng micropore tape.  Nakapilipit naman sa ilalim ng unan sa tagiliran ang kabilang bisig at kamay.

Nangilabot si Elsa.  Ang nahihimbing na bata ay nagmistulang laruan na natanggalan ng magkabilang braso, na muling ikinabit ng may-ari subalit ang kaliwa at kanan ay napagpalit.

Kinapa muna ni Elsa ang bimpo sa likod ng anak (pinalitan nang mapansing basa na rin ito), saka maingat na iwinasto at idinikit sa tagiliran ang magkabilang bisig.  Sapagkat maalinsangan, minabuti na niyang alisin ang kumot na nakatalukbong sa anak;  lumantad ang mga buto’t balat na binting tadtad ng galos at galis.

Nasa katabing kama na ang intern.

Ihinanda ni Elsa ang sarili sa napipintong pag-iyak ng bunso.

Eli

Limang pares ng sapatos ang tumambad kay Eli pagkagising kinaumagahan.  Nakapalibot ang mga ito sa kama ng kapatid.  Nagtaka si Eli.  Bakit kaya andaming bisita ni Nikka?  Lahat pa sila ay nakasuot ng puting pantalon.

Magagara ang mga sapatos:  mayroong gawa sa balat, samantalang karamihan ay rubber shoes na matitingkad ang kulay.  Minsan na rin siyang humiling ng rubber shoes sa mga magulang:  kulay puti na may drowing ng X-men.  Paborito kasi niya ang X-men, lalo na si Wolverine.  Pero nang ituro niya kay Aling Elsa ang nasabing sapatos nang mamasyal sila sa SM, napagalitan lang siya ni Mang Piding.

Gumulong pakanan si Eli.  Ayun ang maugat na paa ng kanyang nanay!  Suot ni Aling Elsa ang bakyang pinakuan ni Mang Piding bago ihatid si Eli sa ospital.  Siya ay nakaupo sa nag-iisang silya sa tabi ng kama ni Nikka, at mukhang kinakausap ng may-ari ng berdeng sapatos na may puting tsek.

Gumapang si Eli palabas ng kanyang lungga patungo sa kinaroroonan ni Aling Elsa, tumayo at kumandong sa ina.

“Hello!  Ano’ng pangalan mo?” bati ng babaeng naka-rubber shoes na berde.

Tumalikod si Eli at yumakap sa ina.

“Diyos ko!  Antanda-tanda na, nahihiya pa!  Ano raw ang pangalan mo?” sambit ni Aling Elsa.

“Sige misis, ituloy na natin yung kuwento.  Nagmamadali rin kasi kami.  Ano po ba talaga yung nauna?  Yung panlalabo ng mata o yung pagsakit ng ulo?  Tsaka kailan po ba talaga nagsimula yung mga symptoms ng anak ninyo?”

“Singtongs?  Ano iyon, iha?”

Maraming tanong ang babae kay Aling Elsa.  Pakiramdam ni Eli ay artistang kinakapanayam sa TV ang kanyang nanay.  Hindi nga lang niya maintindihan ang kanilang usapan.  Pero mukhang pati nanay niya ay nahihirapan din sapagkat panay ang tanong nito sa kausap.

“Diabetes?  Iyon ba yung hindi gumagaling ang sugat?  Wala namang may diabetes sa pamilya namin kasi lahat naman ng sugat namin, gumagaling.”

“Misis, yung diabetes po e yung mataas ang blood sugar.  Mataas ba ang blood sugar ninyo?”

“Ano iyong blood sugar?”

“Asukal po sa dugo.”

“Ay, hindi kami mahilig sa asukal kasi wala kaming pambili!” sabay hagikhik ni Aling Elsa.

Hindi man lang ngumiti ang kausap ng nanay niya.  Nakapirmi lang ang tingin nito sa hawak na notbuk, nagsusulat nang mabilis habang nakakunot ang noo.

Samantala, gising na rin si Nikka.  Nakaupo ito sa kama, nakatalikod kina Aling Elsa at Eli.  Ang mga kasama ng babaeng naka-rubber shoes na berde ay nagkakagulo sa paligid ng kapatid niya.  May nagtatanong kung masakit ba ang kanyang ulo.  May tumitingin ng anit.  May sumisilip ng tainga.  May nakikinig sa pagtibok ng puso.  May humahatak ng paa.

Naalaala ni Eli ang mga kaibigan; ganoon din sila kagulo kapag nakakakita ng gagamba, o patay na daga, o butiking walang buntot sa paaralan.  Lahat ay gustong makiusyoso at makidutdot sa natagpuang aliwan.

Himalang hindi umiiyak si Nikka, pero kada limang minuto ay lumilingon ito at tumatawag ng “Na-naay.”

Napansin ni Eli na nangingilid ang luha ng kapatid.  Gusto sana niyang asarin ang mga bisita ng “Hala!  Lagot kayo!  Pinaiyak ninyo si Nikka!” pero baka tuluyan ngang humagulgol ang kapatid, magsumbong si Aling Elsa kay Mang Piding at mapalo siya nang di oras sa ospital.

Nakuntento na siya sa panonood ng kaguluhang nagaganap sa paligid:  ang nanay niyang naguguluhan at ang kapatid niyang pinagkakaguluhan.

Piding

Kadarating lang ni Piding nang lapitan si Elsa ng intern upang sabihin ang mga salitang ayaw na sana niyang marinig:

“Kukuhaan po namin ulit ng dugo ang anak n’yo.”

“Ulit?” bukambibig ng ama.  Ni hindi pa siya nakakahalik kay Elsa o nakakapagbaba ng mga gamit.   “Kailan huling kinuhaan ng dugo si Bunso?” tanong niya sa asawa.

“Bago dumating ‘yung hapunan.  Mga alas-sais.”

“O, e alas-siyete pa lang ah!”

“Sir, namuo po kasi iyong dugong nakuha kanina kaya kailangang kumuha ulit.”  Ihinahanda na ng intern ang hiringgilya at ang vial na paglalagyan ng dugo.

Pinawalan ni Piding ang isang malalim na buntonghininga.  “Ano pa nga ba ang magagawa namin?”

Inunahan ni Elsa ang intern sa paglapit sa tabi ng anak, na agad namang ipinulupot ang sarili sa ina.

“Na-naaaaay,”  hikbi ng bata.  “A-yaaaaw ko na po.  Masa-keeeeet.”

“Anak, matapang ka naman, di ba?”  Nangangatal ang boses ni Elsa.  “Hamo, pagkatapos nito, may ibibigay na pasalubong sa iyo si Tatay.”

Subalit walang Barbie doll na makakapigil sa namumuong ilog sa daster ng ina.

Si Piding ay nanatiling nakatayo sa tabi ng asawa, matalim ang titig sa bawat kilos ng intern.  Lumapit si Eli, nagmano at kinuha ang dalang supot at bag ng amang maghapong nagbilad sa init ng araw, at bago umuwi’y nakipagsiksikan pa sa Divisoria.

Bumalik ang intern sa nurses’ station.  Nakalimutan ang gomang pantali sa braso.  Pagbalik nito, may kasama na siyang isa pang nakaputi.  Mukhang baguhan; noon lang nakita nina Piding at Elsa.

“Nakapag-blood extraction ka na ba sa bata?” tanong ng intern.

“Hindi pa, pero gusto kong ma-try.”

Nagkatitigan na lang ang mag-asawa nang iabot ng intern sa kasama nito ang goma.

“Na-naaaaay!  A-yaaaaaaaw,” pagsusumamo ni Nikka habang inaagaw ang sariling bisig mula sa estudyante.

Itinali ang goma.

Ipinahid ang bulak na may alkohol.

Itinusok ang karayom.

Humiyaw si Nikka.

Pero walang dugong pumasok sa hiringgilya.

Minaniobra ang karayom.  Muling naglaho sa paningin.

Wala pa rin.

Tusok.

Ngawa.

Nanginginig ang kamay ng estudyante.  Mariing nakapikit si Nikka.  Hindi makatingin si Elsa.  Ngumunguya ng bubble gum ang intern, malayo ang tingin at nagmumunimuni.

Hindi na nakapagpigil si Piding.

“Sino ba talaga ang dapat kumuha ng dugo?”

“Puwedeng ako, puwedeng siya,” sagot ng intern, inginunguso ang kasama.

“E hindi naman marunong kumuha ng dugo ‘tong kasama mo e.”

“Kaya nga po siya ang pinakuha ko ng dugo, para matuto siya.”

“Ang sabihin mo, dahil mahirap lang kami kaya ganyan ang trato n’yo sa amin.  Hindi ba kayo naaawa sa anak ko?  Kung nagkataong mayaman kami, kaunting aray lang ng anak ko, nangangatog na ang mga tuhod n’yo.”

“Hindi naman po sa ganoon, Mister Liquete.”

“Anong ‘hindi sa ganoon’?  Ayan o, kitang-kita na, pinagpapraktisan n’yo ang anak ko!”

“Sir, kung may reklamo po kayo sa mga patakaran namin dito, sabihin n’yo lang.  Hindi na namin gagamutin ang pasyente.”

Hinugot ng intern ang hiringgilya.  Sumirit ang dugo.  Lalong lumakas ang iyak ni Nikka.

“Tarantado ka ba!”

Pumailanlang ang boses ni Piding sa buong ward.  Nahinto sa paglalakad ang mga nars.  Natigil ang taginting ng kubyertos ng mga kumakaing pasyente.  Nawala ang atensyon ng mga nanonood ng telenobelang ipinapalabas sa TV.  Lahat ay napalingon sa kama ni Nikka.

Nilapitan sila ng isang doktor,  “Anong problema rito?”

“Wala naman po, Dok.”  Si Elsa ang sumagot, pumagitna sa doktor at sa asawa.  “Pasensya na po, mahirap lang talagang kuhaan ng dugo ang anak ko.  Takot po kasi iyan sa karayom, dati pa.”

Lumakad papalayo ang intern at ang kanyang kasama, nagbubulungan habang pabalik sa kanilang mesa sa tabi ng nurses’ station.

Inilihis ni Elsa ang usapan.  “Dok, nakabili na pala kami ng Barbie doll.”

“Barbie doll?” nakakunot ang noo ng doktor.

“Opo, di ba sabi ng mga kasama ninyo kahapon, kailangang bigyan ng Barbie doll si Nikka?  Nakabili na po ang asawa ko kanina.  Piding, nasaan na ‘yung nabili mo?  Ipakita natin kay Dok para malaman natin kung puwede na o kailangang papalitan.”

Hiningi ni Piding kay Eli ang supot na uwi kanina.  Inalis ang manyika sa kahon at inilapit sa doktor.

“Mister at misis, wala po kaming sinabing Barbie doll.  Ang pagkakapaliwanag po namin sa inyo kahapon kung nakikinig kayo nang mabuti, binibigyan namin ng phenobarbital ang anak ninyo.  Fee-no-bar-bee-tal.  Hindi Barbie doll.  Gamot po iyon laban sa kombulsyon.  Naiintindihan n’yo?”

Katahimikan.

Nagulantang na lang ang lahat ng nakikiusyoso nang bumulusok sa ere ang isang bagong manyika, lumipad mula sa kamay ni Piding papalabas ng ward.

Eli

Dalawang bagay ang natuklasan ni Eli ngayong gabing ito.

Una, hindi nawawasak ang Barbie doll kahit ibato mo nang malakas na malakas.  Parang walang nangyari sa laruan nang damputin niya kanina.  Mapupungay pa rin ang mga mata ng manyika.  Walang nagbago sa matangos ang ilong, perpektong ngipin at matamis na ngiti.  Sumusunod pa rin sa galaw ang makintab na buhok.  Hindi nagasgas ang mga braso’t binti.  Wala man lang parteng nayupi, napilipit o nabali.

Ang korni.

Ang pangalawang natuklasan niya, nagdadasal pala ang kanyang nanay.  Nagpasama ito sa kapilya pagkatapos pahinahunin si Mang Piding.  Nagulat siya dahil hindi naman sila nagsisimba.  Hindi rin sila nagdadasal sa bahay bago kumain.  Noong siya ay nasa grade one, “In the name of the Father” at “Amen” lang ang nasasabayan ni Eli kapag nagdadasal sa klase dahil hindi naman niya alam kung ano ang sinasabi sa gitna; nakakahiya namang magpaturo dahil mukhang siya lang ang hindi nakakaalam.

Walang misa.

Mabibilang sa daliri ang nasa loob ng kapilya, pero sa huling hanay ng upuan sila lumugar, kung saan madilim at walang bentilador.  Lumuhod ang kanyang nanay at nagsimulang magdasal.

Tumingala si Eli.

Nakatingin pala sa kanila si Hesus.  Sa unahan ng kapilya nakasabit ang krusipiho, pero ramdam Eli ang mga mata ng Diyos.  Nakatitig ang nakapakong Diyos sa kanyang nakapikit na ina.

Napansin ni Eli na umiiyak si Aling Elsa.

Lumuhod si Eli.

Nagkrus.

At sa halip na ipagdasal na makatanggap ng robot sa darating na Pasko gaya ng una niyang naisip nang pasamahin siya sa kapilya, hiniling ng anak sa Panginoon na pawiin ang mga luhang umaagos sa pisngi ng ina.

4 comments

  1. Sir Ron, pakisabi po sa’ken na fiction lang ito. Kasi hindi ko po kayang tanggapin kung sakaling may mga ganitong klase nga ng intern sa PGH. Sobrang taas ng tingin at tiwala ko sa lahat ng mga taong tumitingin sa PGH, kasama ang mga clerks at interns, na kahit may pera akong pampagamot sa St. Luke’s, sa PGH pa rin ako magpapa-confine. Hindi dahil sa menos ang gastos kundi dahil sa pag-aalagang ibinibigay ng mga tao doon. Pakisabi po sa akin na ‘yung mga nagta-trabaho sa PGH eh mga taong talagang gustong maglingkod sa mga may sakit na Pilipino, gaya ng isang tunay na nagtapos na Iskolar ng Bayan.

  2. ang bigat sa loob… lagi ako napapahinto at napapasabi ng “Diyos ko po…” kada matatapos ko ang isang talata… ang hirap tangapin na hindi imposibleng nangyayari ito sa kahit saang pampublikong hospital ditto sa pilipinas.

  3. Doc, tagos sa puso yung article na ‘to. Parang hindi nga ‘to fiction doc e nangyayari talaga to sa tunay na buhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *