Anatomiya ng Kalungkutan

Nalulungkot ako…

Ngunit bakit hindi ko maisulat ang mga katagang magluluwal ng aking kalungkutan? Nais kong iluha ng aking panulat ang mga kinitil na pangarap, ang mga ugnayang nawasak, ang mga nawaglit na pangako at ang mga sandaling lumipad sa alapaap, subalit ipinagkakait ng aking diwa ang mga salita.

Marahil, hapo na ang aking katawan.

Nanuot na ang kalungkutan sa mga buto ko at kalamnan. Sinaid na nito ang aking lakas. Siniil hanggang maagnas ang bawat bahagi na aking kabuuan. Pinilit kong iunat ang aking kamay, ngunit ang mga daliri ko’y unti-unting dinurog ng kapaguran.

Marahil, bangag na ang aking isipan.

Sinakluban na ng kalungkutan ang mapaglaro kong utak. Hinigop na nito ang aking imahinasyon. Pinagod sa kahahanap ng sagot sa mga tanong na walang tiyak na hangganan. Pinilit kong hagilapin ang mga salita, ngunit ang mga salita’y isa-isang nawalan ng kahulugan.

Marahil, manhid na ang aking kaluluwa.

Dinukot na ng kalungkutan ang malaya kong puso. Kinuyom sa kanyang palad. Piniga hanggang ang lahat ng damdamin ay tumagas. Pinilit kong damhin ang pighati, ngunit ang mga imahe’y dahan-dahang nilamon ng kawalan.

Nais kong magsulat ukol sa ‘di tumitilang ulan, sa ‘di makaunawang kadiliman, o kaya’y sa ‘di matahak na daan, subalit wala nang kabuluhan ang lahat ng ito.

Ako’y hindi na ako.

Nakakalungkot…

Hindi ko na alam ang kahulugan ng kalungkutan.

1 comment

  1. ang galing hehehe 😀 nakatutuwa ang mga malalim na salitang bahagi ng ating kata3wan XD

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *