Sa mga bago at nagbabalik na Iskolar ng Bayan, isang maligayang pagdating sa UP Manila. Malamang, hindi ito ang pinangarap ninyong simula. Sa halip na selfie sa bulwagan ng kani-kaniyang kolehiyo, na kakabitan na hashtag #FirstDayInUP sa social media, kailangan ninyong magtiyaga sa screenshot. Matagal nang pinaniniwalaan na malas ang magpakuha ng larawan sa tabi ni Oble, at hindi mo ito gagawin kung gusto mong makapagtapos sa unibersidad. Ibig sabihin ba nito, bawal rin siyang hagipin sa mga screenshot ngayon? Walang nakakaalam, pero maaari naman ninyong subukan.
Sigurado akong marami sa inyo ngayon ay kinakabahan, nalulungkot, dismayado, o kaya’y nagagalit. Malamang, mayroon ding mga nagkikibit balikat at walang pakialam. Tayo ngayon ay nabubuhay sa isang panahon kung kailan walang katiyakan ang mga pangyayari sa loob at labas ng unibersidad.
Mabilis kaya ang internet ko bukas? Paano kung mawalan kami ng kuryente habang nag-eexam? Kaya ko bang tiisin ang minu-minutong tukso ng Facebook, Instagram, Twitter, YouTube, at Tiktok? Makapagsusuot ba ako ng inaasam na puting uniporme? Kailan kaya ako unang haharap sa isang tunay na pasyente?
Bukod rito, maaaring may mga mas mabibigat ring tanong:
Kailan kaya muling magkakaroon ng trabaho ang magulang ko? Makakabawi pa ba ang aming munting negosyo? Kung magkakasakit ang isang miyembro ng aking pamilya, may ipambabayad ba kami sa ospital? May titirhan at kakainin pa ba kami sa susunod na buwan?
Ang araw na ito ay isang simula para sa inyo, subalit batid kong mahirap mangarap kung wala namang katiyakan ang mga bagay-bagay. Gusto kong ipaalaala, na kung sigurado ang mga bagay-bagay, hindi mo na kinakailangang mangarap. Hindi na bago sa akin ang mga suliraning ganito. Marahil, ito ang dahilan kaya’t ako ang inanyayahang magsalita ngayong umaga.
Taong 2000 nang kumuha ako ng UPCAT, kasabay ng higit animnapunglibong high school student sa buong bansa. Dalawang dekada na ang lumipas mula nang ihatid ako ng aking tatay sa College of Home Economics sa UP Diliman. Sabado iyon ng umaga, at ako’y kabilang sa unang batch ng mga nangangarap makapasok sa UP. Mayroong apat na batch lahat-lahat.
Sa kanilang sampung magkakapatid, tanging tatay ko ang nakapasa at nakapagtapos sa UP. Maaga itong tumatak sa isip naming limang anak, pati ang pagmamalaki ng tatay ko na inabot siya nang halos siyam na taon bago makatapos—sagad-sagad sa MRR—hindi dahil sa pagbubulakbol, kundi dahil patigil-tigil ng pag-eenrol kapag walang pantustos sa pag-aaral. Kumuha siya ng kursong Civil Engineering sa UP Diliman, kaya’t ang paghahatid sa akin, sa kanya’y pagbabalik. Lolo ko ang naghatid sa kanya, at sa tanda ng tatay ko, sila ay nag-bus mula Catanauan, Quezon at nakitulog sa mga kamag-anak sa Maynila, saka nagbiyahe pauwi nang halos buong araw pagkatapos niyang mag-exam.
Wala pa kaming sariling sasakyan noong mag-UPCAT ako. Mabuti na lang at hindi namin kinailangang mag-commute dahil kasabay kong nag-exam ang anak ng kanyang boss at kumpare, si Tito T. Nakisakay kami sa kanila. Nagtanghalian pa kami sa isang restaurant pagkatapos. Libre rin ni Tito T. Pampaswerte. Marahil, maituturing ding swerte si Tito T, dahil pagdaan ng labingsiyam na taon, kakailanganin niyang maoperahan sa ulo at ako kanyang magiging neurosurgeon. Hindi ko nabanggit sa kanya, pero sapat nang professional fee ang paghahatid-sundo sa aming mag-tatay, sa exam na babago sa takbo ng buhay ko.
Hindi ko ipagkakaila na ang turing ko sa UP, mula noon hanggang ngayon, ay unibersidad ng pag-asa. Bilang panganay sa limang magkakapatid, tanging sa UP nakasalalay ang pangarap kong makatapos ng kolehiyo. Wala naman kaming pambayad sa Ateneo o La Salle. Kung hindi ako nakapasa sa INTARMED, malamang ay hindi rin ako doktor ngayon. Hindi namin kayang maghintay ng siyam o sampung taon bago ako makatulong sa mga gastusin ng pamilya. Dahil may dalawa akong scholarship sa UP, 60 pesos lang ang ibinabayad ko tuwing mag-eenrol sa simula ng bawat semestre. Biruin mo, mas mahal pa ang isang tasa ng kape sa Starbucks (pero hindi naman ako tumatambay sa Starbucks noon dahil mahal nga).
Gayunpaman, alam naman nating lahat na isang bahagi lang ng gastusin sa kolehiyo ang matrikula. Nariyan pa ang gastos sa pamasahe, tirahan, pagkain, libro, assignment, project, at kung kailangan, uniporme.
Sa UP ako natutong dumiskarte.
Nag-volunteer akong mag-tutor sa Learning Resource Center, dahil nalaman kong kapalit nito, maaari akong makigamit ng computer at internet nang libre. Math, Chem, Physics—itinuro ko silang lahat para mas marami akong maipong oras panggawa ng assignment. Nag-tutor din ako ng mga high school student na nire-refer ng mga kakilala, kahit na ako ay pagod sa duty o kailangan pang mag-aral para sa exam kinabukasan. Dalawandaang piso rin ang bayad noon kada oras. Kapag sinusuwerte, nakalilibre pa ng hapunan.
Sa UP ako natutong magtiis.
Noong matapos ang aking Oblation scholarship na hanggang year level 4 lang, nagtitiyaga akong iuwi ang labada sa bahay tuwing Biyernes ng gabi, kahit trapik at siksikan sa bus na biyaheng Las Piñas. At tuwing Linggo ng hapon naman, nagtitiyaga akong magplantsa ng mga uniporme, dahil lang gusto kong tipirin ang 600 pesos na pambayad sa labandera at plantsadora buwan-buwan. Bilang na bilang ang gagastusin ko noon tuwing almusal, tanghalian, at hapunan, upang pagdating ng Biyernes, may matira sa wallet na pamasahe. Ang paborito kong ulam noon: piniritong tokwa at steamed siomai na nabibili sa kanto ng Pedro Gil. Mura na, nakabubusog pa.
Sa UP ako natutong magsumikap.
Kinakailangang mag-maintain ng grado para sa mga academic scholarship kaya’t hindi maaaring makuntento sa pasang-awa. Pinag-ipunan ko ang aking kauna-unahang cellphone, isang Nokia 3310, upang hindi na ako magko-commute ng isang oras patungong Padre Faura, at pagkatapos, malalamang suspendido na pala ang klase. Pinag-ipunan ko rin ang aking unang laptop, upang hindi na kailangang makigamit ng computer sa roommate at best friend kong si Alvin. Batid kong malaki rin ang sakripisyong ginawa ng aking mga magulang at mga kapatid habang ako ay nag-aaral nang pitong taon upang maging isang ganap na manggagamot.
Ngayong binabalikan ko ang mga alaalang ito, naisip kong hindi lang kailangan ng sipag. Kailangan din ng suwerte. Masuwerte dahil may mag-asawang nag-alok ng scholarship nang mawala ang Oblation scholarship ko. Hindi ko alam noon kung saan ako kukuha ng dagdag na 2,500 pesos buwan-buwan para sa mga gastusin. Ang ibinigay ng mag-asawa sa akin? Limanlibo, kada buwan, nang walang kahit anong kapalit. Masuwerte dahil may tito at tita sa Amerika na nagregalo ng aking unang Littman stethoscope at tumustos sa mga gastusin nang mag-elective ako nang isang buwan sa New York. Masuwerte dahil may mga nahingan ng tulong tuwing may biglaan gastusin kagaya ng hindi nabayarang renta sa dormitoryo at mga pagkakautang.
Para kanino ba ang mga kuwentong ito?
Para ito sa iyo. Ikaw na hindi alam kung paano ngayon makatatapos ng kolehiyo, sa gitna ng pandemya, dahil sa kung ano mang pagsubok na iyong kinakaharap. Ang payo ko, huwag ka lang bibitiw. Patuloy na mangarap nang matayog.
Pero para din ito sa iyo. Ikaw na nakaaangat sa buhay. Ikaw na pinalad na hindi kailanman makararanas ng ganitong mga suliranin. Kailangang batid natin ang ating mga pribilehiyo. Sa mga kuwentong ganito, ang kailangan nating mapulot ay hindi “Kawawa naman sila. Mas swerte ako kumpara sa kanila #blessed.” Bagkus, dapat nating tanungin ang mga sarili, “Bakit hindi nila tinatamasa kung ano ang meron ako? Ano ang maaari kong ibigay para kami ay magpantay-pantay?”
Para sa mga bagong Iskolar ng Bayan, heto ang mga maipapayo ko:
Una, laging gawin ang iyong makakaya, sa lahat ng pagkakataon. Kahit mahirap, kahit mukhang imposible, kahit tingin ng iba ay hindi mo kaya. Hindi ka man magtagumpay, mayroon ka namang matututuhan sa iyong sarili, at ito ang magtutulak sa iyo upang sumubok muli.
Pangalawa, huwag mahiyang humingi ng tulong. Ang panahon ng pandemya ay hindi panahong normal. Walang inaasahang maging normal ngayon. Lahat tayo ay nangangailangang sumandal sa mga mahal sa buhay at mga kaibigan. Naririto ang inyong mga guro at mga opisyal ng unibersidad upang kayo ay alalayan.
At pangatlo, maging mulat sa mga pangyayari sa ating bayan. Kinakaharap natin ngayon ang COVID-19, ang PhilHealth corruption scandal, ang anti-terror law, ang pagsupil sa media, at ang walang katapusang war on drugs. Ang UP Manila ang tinaguriang health sciences center, at sa aking pananaw, tayo, higit sa lahat, ang nararapat na makaintindi sa halaga ng bawat buhay. Maging mapagmatyag at mapanuri. Kinakailangan namin ang inyong boses upang magkaroon ng pagbabago para sa ikagiginhawa ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Higit kalahati na ng buhay ko, nasa loob ng UP: bilang medical student, bilang neurosurgery resident, at ngayon bilang associate professor ng UP College of Medicine at consultant neurosurgeon ng Philippine General Hospital. Para sa mensaheng ito, binasa ko ang lahat ng mga isinulat ko mula pa noong 2002 kung kailan ako ay isang estudyante pa lang. Tinanong ko ang aking sarili, naisabuhay ko ba ang mga mithiin ng Unibersidad ng Pilipinas para sa akin? Naisakatuparan ko ba ang mga tungkuling ibinigay sa akin ni Oble?
Bilang isang pediatric neurosurgeon, nabigyan na ako ng pagkakataong makabuhay ng mga pasyente dahil naoperahan ko sila. Nakatulong na rin akong makakita silang muli, makalakad, o kahit na makasama lang saglit ang mga mahal nila sa buhay. Bilang isa namang manunulat, nang ilimbag ng University of the Philippines Press ang aking unang libro, nakapagbigay ako ng payo at inspirasyon sa mga mag-aaral sa buong Pilipinas. At bilang isang guro sa loob at labas ng UP, napabilang ako sa mga humuhubog ng mga panibagong doktor na magsisilbi sa bayan.
Napagtanto kong lahat ng tagumpay na ito—bilang neurosurgeon, manunulat, at guro—Unibersidad ng Pilipinas ang nagbigay-daan. Lubos ang aking pasasalamat at ako ay nagagalak. Bukod pa roon, ang nakatataba ng puso at nagbibigay-halaga sa lahat ng pagsisikap, pagpupuyat, pag-iyak, pagpapakapagod, at pagsasakripisyo ay ang pagkakaalam na sa pamamagitan ng mga gawaing ito, ako ay nakapagsisilbi. Gusto kong isipin na ang hangad lamang ng unibersidad sa bawat isa sa inyo ngayon, bilang mga bagong iskolar ng bayan, ay matuklasan ninyo kung paano kayo makapaglilingkod sa inyong kapwa.
Sa bigat ng inyong kailangan aralin at sa dami ng pagbabagong kailangan ninyong sabayan, mahirap isipin kung paano lalaban at magwawagi sa araw-araw. Honor and Excellence. Iyan ang madalas babanggitin sa inyo. Iyan ang lagi ninyong maririnig sa UP. Iyan din ang maaaring isumbat sa tuwing kayo ay magkakamali. Ngayon, hinahamon kayo ng unibersidad na maging magaling at maging marangal. Pero alam ninyo, sana, sa bawat pagkakataon, huwag ni’yo ring kalilimutan ang maging mabuti. Walang silbi ang mga diploma, medalya, at dagdag na titik sa dulo ng iyong pangalan, kung hindi mo naman ito magagamit upang makapagsilbi sa iyong mga kapwa Filipino.
Pinakamadali ang maging magaling. Kailangan mo lang mag-aral, magbasa, magsaulo, at magsanay. Pinakamahirap ang maging mabuti, alinman ang landas na iyong tahakin, sa kanino man, sa lahat ng pagkakataon. At ang pinakasusubukin ay ang pagiging marangal.
Araw-araw, kailangan mo lamang tanungin ang iyong sarili:
Itong inaaral ko ngayon, paano ba ito makatutulong upang ako’y makapagsilbi sa hinaharap?
Tingin ko, basta’t alam mo ang sagot, puwedeng-puwede ka nang magpa-picture sa tabi ni Oble.
Ang mensaheng ito ay ibinahagi sa Welcome Ceremony ng University of the Philippines Manila noong ika-10 ng Setyembre, 2020. Bahagya itong inedit para sa blog.
A very inspiring welcome address to incoming students. I hope it did not fall into deaf ears.
Salamat sa inspiration Doc kahit may edad na ako laban lang ako dito ha ha
Maraming, maraming salamat po, sir, for sharing this with us. A great honor to be able to hear such words of strength and inspiration from you.