Nitong nakaraang linggo, isang senadora ang nagpayo sa mga health care worker ng Pilipinas: pagbutihin raw namin ang aming trabaho, upang masupil ang pandemya ng COVID-19 nang hindi kinakailangang mag-lockdown muli. Inulan ng nararapat na batikos ang nasabing pahayag. Hindi ko na ito pagtutuunan ng pansin, subalit aaminin kong dahil dito ay napaisip ako:
Ano nga ba ang trabaho ng isang doktor?
O mas mainam, ano nga ba ang mga tungkulin ng isang doktor ngayon sa Pilipinas?
Sa Kolehiyo ng Medisina, itinuturo sa amin ang konsepto ng five-star-physician, kung saan ang isang doktor ay hindi nakakahon sa kanyang clinic, pusturang-pustura sa white coat na walang mantsa. Bagkus, kami ay hinihikayat na tuparin ang isa o higit pa sa mga sumusunod:
- Una, manggamot
- Pangalawa, magturo
- Pangatlo, manaliksik
- Pang-apat, mamuno
- At panlima, magtaguyod
Sa lahat ng tungkuling ito, kinakailangan naming magkuwento. Sa paglalahad ng mga sintomas at senyales ng isang pasyente, doon namin nabubuo ang wastong diagnosis. Sa pagpapaliwanag ng bawat pagtibok at pagdaloy sa katawan, doon namin naipamamahagi ang kaalaman sa mga mag-aaral na susunod sa aming yapak.
Sa mabusising pagtatagpi-tagpi ng mga ebidensiya at resulta, doon namin nararating ang tamang konklusyon sa mga pag-aaral na naglalayong puksain ang karamdaman at pahabain ang ating mga buhay. Sa malinaw na paglalatag ng mga layunin, doon nagsisimula ang mahusay na pamumuno sa ospital man o komunidad. At huli sa lahat, sa pakikisalamuha at pakikipagkuwentuhan, doon kami nakahihikayat ng sama-samang pagkilos.
Sa loob ng limang taong pag-aaral ng medisina, lahat ay tinuturuan at natututong magkuwento, bagama’t hindi lahat ay nakapagsusulat.
Ngayon, higit kailanman, kinakailangan nating magkuwento, sa panahon ng fake news at anti-terror law, habang ang mga Pilipino ay patuloy na namamatay sa COVID-19 o pinapatay nang walang kalaban-laban.
Noong isang araw, pumutok ang balitang labinlimang bilyong piso ang kinatatakutang nakurakot sa pondo ng PhilHealth. Agad sumagi sa isip ko ang PDAF o pork barrel scam kung saan sampung bilyon naman ang ninakaw. Bukod sa pagkakakulong kay Janet Napoles, may nangyari na ba sa iba pang naakusahan?
Alam kaya ng mga kurakot na opisyal ng PhilHealth kung ilang pasyente ang nakikiusap sa amin ng “Dok, sa January na lang ako magpapaopera kasi nagamit ko na ang PhilHealth ko…”?
Kung sila kaya ang mapagpaliwanag sa mga bantay at kapamilya ng “Nanay/Tatay, hanggang diyan lang po ang coverage ng PhilHealth ninyo. May pandagdag pa po ba kayo para ipambili ng mga gamot at ipambayad sa mga lab test?”
Nakita na ba nila ang panlulumo sa mukha ng mga asawa at anak sa sandaling malaman nilang hindi approved ang PhilHealth claim dahil lang nagmintis ng isang buwan ang kontribusyon?
Paano na lang ang mga pasyente naming umaasang makapagpa-admit sa PhilHealth ward dahil iyon lang ang kaya nilang pag-ipunan para sa mga mahal nila sa buhay? Malaking tipid iyon sa kanila, dahil walang dagdag-singil ang professional fee.
Sana man lang, makarating sa mga buwaya ang mga kuwentong ito, para tumatak sa isip nilang hindi lang sila magnanakaw at mandarambong, kundi mamamatay-tao.
Hindi ito ang panahon para manahimik. Sa pagkukuwento ng katotohanan, doon lamang mamumulat ang sambayanan sa tunay na kalagayan ng ating sistemang pangkalusugan.
Sa totoo lang, sa haba ng panahong kailangan gugulin, sa dami ng gastos na kailangang pag-ipunan, at sa laki ng sakripisyong kailangang ibigay, mahirap piliing maging doktor sa Pilipinas. At, kapag isa ka nang ganap na doktor, mas lalong mahirap piliin ang Pilipinas.
Pero araw-araw natin siyang pinipili, dahil ang buhay ng bawat Pilipino ay mahalaga, isang bagay na tila hindi naiintindihan ng mga kasalukuyang nakaupo sa pamahalaan. Hindi mo maaaring sabihing “Dalawanlibo lang ang namatay sa COVID.” Dahil dalawanlibong tao iyon. Bawat isa ay nabuhay, naghanapbuhay, nangarap, nagsikap, minahal, at nagmahal.
Malungkot at mabigat sa loob ang karamihan sa mga kuwento ngayon, pero sa pagtataguyod ng pantay-pantay na karapatan ng bawat isa, sa paninindigan natin sa katapatan at katarungan, nabibigyan tayo ng pagkakataong baguhin ang wakas.
Hi, Doc. I am an aspiring physician. I make it a point to read your blog every day in the hopes that I may think and act like you.
Salamat po sa mga pagkukwento n’yo.
Ramdam na ramdam ko Doc yun article mo. Nakita ko kung paano ang sistema sa PGH at sa iba pang ospital sa Pilipinas. Nakakalungkot, nakakainis at nakakanginig ng laman ang mga buwaya sa gobyerno. Tama ka, sila kaya ang humarap at magpaliwanag sa mga pasyente. Gobyerno ng Pilipinas, kailan ka magbabago? Salamat sa katulad mo. Sana lahat ng doktor ganyan mag isip. Sana may konting konsensya pa ang mga tao sa gobyerno. Salamat sa awareness, sa simpatya sa ating mga kababayan, higit sa lahat sa malasakit.