Sa taun-taong pagtuturo ko ng biochemistry sa mga medical student na nagre-review para sa Physician Licensure Exam, nakagawian na ng mga estudyante kong magpatasa ng lapis sa huling araw ng klase. Diumano, upang makapasa, kailangan mong magpatasa ng lapis sa isang lisensyadong doktor na nakalampas na sa board exam.
Wala itong ipinagkaiba sa paniniwalang kailangan mong magsuot ng pulang underwear at kumain ng Red Ribbon chicken empanada. At hindi rin pwedeng mag-ahit o magpagupit ng buhok hangga’t hindi natatapos ang apat na araw ng exam.
Nung kumuha ako ng medicine board exam, ako lang ang nagtasa ng mga lapis ko at wala akong extrang pera pambili ng pulang brief na minsan ko lang gagamitin. Nang abutan ako ng empanada ng kaklase ko sa unang umaga ng boards, ang nasabi ko lang, “Huh? Ano ‘to?”
“Basta, kainin mo na lang!”
Hindi ko na mabilang ang mga lapis na aking natasahan. Pambansang lapis pa rin ang dilaw na Monggol #2, pero may mangilan-ngilan ding Faber Castell at Staedtler. May mahilig sa jumbo pencil na pang-grade one (Mas madali raw mag-shade ng answer sheet). Ang iba sa mga lapis, pinadasalan pa sa Manaoag. Karamihan ay bago at amoy puno pa, pero mayroon ding kalahati na lang ang haba at pudpod na ang pambura dahil nagamit na. Basta lang mayroon silang lapis na maipatasa.
“Pwede na kaya ito Dok, kahit natasahan na dati?”
“Sorry ha, hindi ko rin alam eh. Gusto mo putulin muna natin, tapos tatasahan ko na lang ulit?”
Apat na oras lang ang huling araw ng lecture ko, pero nasanay na akong madagdagan iyon ng 30 minuto hanggang isang oras upang pagbigyan ang pila ng mga gustong magpatasa. Mabuti na lang at naimbento ang helix sharpener, kundi ay kawawa ang mga daliri kong kailangan pang mag-opera.
Kung isa ka sa mga nagpatasa ng lapis kanina, ito ang mensahe ko para sa iyo, habang paiksi nang paiksi ang mga araw at pahaba nang pahaba ang mga gabing hindi ka makatulog—nag-iisip, nag-aalala kung sapat na ba ang nagawa mong pag-aaral sa mga linggong nakalipas.
Bilang isang alagad ng medisina, alam kong alam mo na walang scientific basis ang pagpapatasa ng lapis para sa Physician Licensure Exam. At alam mong alam ko rin iyon, pero patuloy ang aking pagpapaunlak sa mga pakiusap.
Matapos kong maibahagi ang nalalaman ko sa biochemistry, isang bagong tasang lapis lang ang maipababaon ko sa iyo, sa iyong pagharap sa isa sa mga pinakamahalagang pagsusulit na kukunin mo sa buong buhay mo.
Kung makatutulong ito upang mapalakas ang iyong loob at magtiwala ka sa iyong sarili, patuloy ko itong gagawin para sa mga tulad mong ang hangad lamang ay mabigyan ng pagkakataong magsilbi sa mga maysakit na Pilipino.
Dahil ang totoo, pinaghihirapan natin ang ating lisensyang manggamot upang tayo ay makapaglingkod nang buong kabutihan at katapatan sa ating mga kababayan.
Hindi natatapos ang pag-aaral sa Physician Licensure Exam. Ang tunay na pagsusulit ng isang doktor ay nagsisimula sa kanyang pagpasa.
Tularan mo ang lapis na ito, na natututo sa bawat pagkakamali. Hindi kailanman bawal magbura. Tandaan mong habang tumatagal, ito ay pumupurol at kailangan muling tasahan. Pero habang ito ay umiiksi at nauubos, batid naman nitong ito’y nakapagsisilbi sa pagbibigay ng kanyang sarili.
Sa aking pag-abot ng isang bagong tasang lapis, hatid nito ang buong pagtitiwalang kaya mong lagpasan ang pagsubok na Physician Licensure Exam. Kaya’t laban.
Well said 🙂
nag-eenjoy tlga ako magbasa ng mga posts po Dok
dean032288@gmail.com
Salamat Doc sa inspirasyon at pag-asa. Tama po kayo, Lahat ay pinaghihirapan, walang instant walang magic, walang tsamba. Salamat sa patuloy na pagtuturo at paglaan ng oras sa mga mangilang ngilang pinili ang buhay at propesyon na ito. Mahirap ngunit walang katumbas ang bawat pasasalamat na isinusukli ng mga pasyenteng pinagsisilbihan ng isang manggagamot.
Im about to take my PLE this September. Hope to see you soon Sir in Topnotch review. I have just come across your blog and your every word inspires me 🙂 thank you po! God bless you!
Matagal pa tayo magkikita doc. Nakapagtapos na ako ng kolehiyo nitong mayo, pero sa tingin ko pagkatapos ng isa o dalawang taon pa ako makakapagaral ng medisina. Pero gusto kong malaman mo na isa ka sa dahilan kaya di ko makalimutan ang pangarap ko. Maraming Salamat sa iyo at sa mga katulad mo.
Hi doc! Bakit di na po kayo nagtatasa ngayon? 🙁
It’s 2021! And I will be taking my PLE on Sept. 2021. With this feeling of hopelessness because of the pandemic, this is what I needed to hear right now. Even with the little freedom that we have because of quarantine, we can do so much out of it. We can study even harder. We can be resourceful in learning the hospital skills even at home. We have to use that little freedom not as an opportunity to gratify our ego but an opportunity to work hard to be competent doctors so that in the future we will be able to serve our patients with the best medical service that they deserve. Thank you po Doc!