Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Sampung Payo para sa mga Bagong Medical Clerk

S
  1. Magbaon ng maraming Micropore tape. Pang-wound dressing. Pang-label. Panggawa ng collar at splint. Pang-secure ng IV line, foley catheter, at NGT. Pandikit ng natanggal na suwelas at napunit na pantalon kakalakad kung saan-saan. Matutuklasan mong guguho ang ospital kapag nagsara ang pabrika ng Micropore tape.

  1. Huwag kalimutang mag-“po” at “Sir/Ma’am” kahit bantay ang kausap mo. Minsan, Sir at Ma’am talaga sila.
  1. Siguraduhing kumpleto ang bakuna, lalo na para sa Hepatitis B at flu virus. Mahirap mag-duty kapag nilalagnat, sinisipon, at inuubo. Kawawa ka. Pero mas kawawa ang pasyenteng hahawahan mo ng sakit.
  1. Huwag basta-bastang iinom ng azithromycin. Sa dami ng clerk, intern, at resident na addict sa 3-day course of antibiotics, resistant na siguro ang lahat ng mikrobyo sa gamot na ito.
  1. Basahin ang mga kasong nakikita mo bilang student-in-charge. Mas madaling maintindihan ang systemic lupus erythematosus, Whipple procedure, Kawasaki disease, choriocarcinoma, at ruptured aneurysm kapag ikinukumpara mo ang nababasa mo sa textbook sa nakikita mo sa pasyente.
  1. Makipagkuwentuhan sa mga pasyente at bantay. Tanungin mo kung saan maganda pumasyal sa lugar nila, kung paano sila naghahanapbuhay, kung sino ang gumagastos para sa pasyente, at kung napanood nila ang huling laban ni Pacquiao. Marami kang matututuhan sa kanila na magagamit mo pagkatapos ng medisina. Hindi mo ‘yun mababasa sa Harrison, Schwartz, Nelson, at Williams.
  1. Huwag munang mag-shortcut. Hindi ka pa expert. Kaya ka nga clerk dahil marami ka pang kailangan matutuhan. Kumpletuhin ang clinical history, physical examination, at neurologic examination (Dapat lang kasi neurosurgeon ang nagsusulat nito!). At huwag kang didiretso sa primary working impression. Lagi mo dapat tatanungin ang sarili mo, “Kung hindi ito ang sakit ng pasyente ko, ano pa kaya ang ibang puwede?” Tandaan, hindi laging tama ang diagnosis ng resident-in-charge at ng referring physician.
  1. Huwag magbilangan ng trabaho. Sa huli, magpapantay-pantay rin ang dami ng pre-duty, duty, post-duty, weekend duties, ER duties, triage, blood bank, at Cancer Institute duties ninyo.
  1. Kung hindi mo alam, magtanong. Kapag nagkamali ka, hindi na ‘to test paper na puwede mong palitan ang sagot at ayos na ulit. Kapag nagkamali ka, may pasyenteng puwedeng masaktan, mapahamak, o mag-agaw-buhay.
  1. Pero kapag nagkamali ka na, huwag matakot humingi ng paumanhin. Walang perpektong doktor. Mas lalong walang perpektong medical clerk at intern. Huwag lang kalimutan na kailangang matuto sa bawat pagkakamali. Bawi na lang sa susunod na pasyente.

About the author

Ron Baticulon

Ronibats is a pediatric neurosurgeon, teacher, and writer. In 2018, he won a Palanca award for the title essay of his first book, "Some Days You Can't Save Them All," published by The University of the Philippines Press. You can follow him on Twitter @ronibats.

6 comments

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

  • Lahat ng ito applicable pa rin kids kahit na consultant na kayo, kahit na emeritus pa. Well, except yung advice #1 siguro haha.

  • I hope you don’t mind me linking to this entry, Sir. I’m currently a medical clerk myself, and micropore has proven to be one of the most ingenious innovations of man.

  • Sapagkat mahal ang micropore tape, subukang bumili rin ng masking tape. 3M galing national. Hindi naman kailangang micropore tape ang pang label ng vials, pandikit ng decking sheet sa dingding at pang-sara ng wakwak na pundilyo ng pantalon. Ilaan na lamang ang micropore para sa balat ng pasyente. ;-D

  • medical clerks should read numbers 8,9, and 10 over and over again. entry number 8 is one of the most common cause of conflict among your groupmates/duty mates. entry number 9: kung hindi mo alam, magtanong ka– AGREE. this shouldn’t be an excuse to slack of or reason for not being able to do your duty appropriately. entry number 10, walang perpektong medical clerk– TRUE. there is always a LOT of room for improvements, kaya i hope wag magfeeling yung iba na ang galing na nila samantalang clerk pa lang tayo 🙂 this is a good read.

Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Facebook

Twitter