Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Sampung Payo para sa mga Kukuha ng Medicine Board Exam

S
  1. Mag-aral nang mabuti sa Biochem. Ito ang first exam. Dapat “good vibes” agad. Kapag pangit ang pakiramdam mo unang exam pa lang, iisipin mo na ‘yan araw-araw hanggang sa panlabindalawang exam.
  2. Siguraduhing may laman ang tiyan bago mag-exam. Namamatay ang neurons kapag walang glucose. Ngayon, higit kailanman, kailangan mo lahat ng brain cells mo. Pramis.
  3. Mag-ingat sa frameshift. Laging i-check ang numerong sinasagutan sa test questionnaire at ang numerong iniitiman sa answer sheet. Kung hindi mo naiintindihan ang ibig sabihin ng frameshift, bumalik sa Payo #1.
  4. Magdasal.
  5. Huwag nang magtanong sa proctor. Sa simula pa lang, dapat ay tanggap mo na ang katotohanang hindi perpekto ang Physician Licensure Exam. Kung may wrong spelling (Ilium ba talaga o ileum?), kung tingin mo “none of the above” dapat sa halip na “all of the above” o kaya naman eh tingin mo dapat may salitang EXCEPT, sagutan mo na lang ang tanong sa abot nang iyong makakaya. Hindi rin naman alam ng proctor kung ano ang isasagot sa iyo. Sayang lang sa oras. Sana nag-meenie-meenie-mayni-mo ka na lang.
  6. Kapag hindi mo alam ang sagot sa isang tanong, hintayin mo lang hanggang sa makarating ka sa question #100. Paulit-ulit at paikut-ikot ang mga tanong sa Med boards. Huwag magsayang ng oras sa iisang tanong.
  7. Mahirap mag-aral sa “week in between.” Iisipin mo kung ano ang mga naging mali mong sagot noong nakaraang Sabado at Linggo habang iniisip mo kung paano pagkakasyahin ang natitirang oras para sa darating na Sabado at Linggo. Matutong mag-Let Go. Wala ka nang magagawa para sa anim na test paper na nasa kamay na ng PRC. Pero dun sa anim na test paper na sasagutan mo pa lang, meron.
  8. Pwede magbura. Basta malinis. Huwag maniwala sa mga horror stories ng mga nagbura sa exam at bumagsak. Palusot lang ‘yun.
  9. Bawal mandaya. Ikaw ay nag-eexam para maging isang Professional. Ang propesyon ng panggagamot ay nakasandig sa pagtitiwala at katapatan. Kung kailangan mong mandaya para maging isang doktor, panahon na sigurong maghanap ng ibang hanapbuhay.
  10. Kahit ano man ang mangyari, huwag panghinaan ng loob. Matapos ang lahat-lahat, mapagtatanto mong hindi kayang sukatin ng 1,200 tanong ang iyong kakayahan bilang isang manggagamot. Kapag isa ka nang ganap na doktor, hindi ka naman tatanungin ng pasyente mo, “Dok, anong score mo sa board exam?” Ang pinakamahalaga pa rin ay kung paano mo gagamitin ang lahat ng iyong natutunan sa loob ng limang taon ng pag-aaral ng Medisina para mapabuti ang kalusugan at ang pakiramdam ng iyong mga magiging pasyente.

In Medicine, intelligence is not about knowing everything.

It is knowing which facts are important to know, good to know, and nice to know.
— I Don’t Know

About the author

Ron Baticulon

Ronibats is a pediatric neurosurgeon, teacher, and writer. In 2018, he won a Palanca award for the title essay of his first book, "Some Days You Can't Save Them All," published by The University of the Philippines Press. You can follow him on Twitter @ronibats.

16 comments

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

  • ” Kung kailangan mong mandaya para maging isang doktor, panahon na sigurong maghanap ng ibang hanapbuhay.” *sigh* Ang hirap sabihin nito pag ang doktor na yan, ay senior mo.

  • Nakakatuwang basahin ang mga kwento mong me katuturan, at natutuwa akong tagalog ka magsulat kahit alam naman nang lahat na kayang kaya mong mag English =) PInapabasa ko na lahat ng pinabasa mo ngayon sa akin sa blog mo sa pamangkin kong 1st honor =) You inspire me so much… nakakaiyak ka at nakakatuwa… I lost my sister Nov 2011 sa kakapusan na din ng funds kahit na di na nga kami macacategorize sa poorest of the poor… Pero it would have been a real good experience if we met your kind of doctor… I admire you so much…

  • Hi… I’m an incoming second year Occupational Therapy student from University of Santo Tomas. Like you, I also wanted to be a neurosurgeon, the reason for it was because my grandfather died of stroke and other mental dysfunctions; and also because my grandmother is now experiencing degenerative diseases like Alzheimer disease and Progressive supranuclear palsy. I just want to know if having an OT as pre-med will prepare me in medicine proper ( neurology/ neuro surgery, or do you recommend other courses? Thank you. 😀 More power!

    • It helps if you have a good background in anatomy, physiology, and biochemistry. Pero any course pwede namang pre-med as long as you complete the required units.

      If you’re interested in Neurosurgery, study Neurology well, first year pa lang. Mahirap but once you master the pathways, mas madali na yung pathology.

  • Thank God for you sir doctor. Ang hirap hirap maging good doctor. You will literally give up your life. Thank you for inspiring us to push through difficult tasks with intact integrity. God bless and thank you po Sir. =)

  • Number 1. Da worst talaga Biochem. Pakiramdam ko noon para akong na-flying kick sa mukha ng Biochem. Buti na lang pumasa hehe!

    Huwag din palang kalimutan ang mga pamahiin, tulad ng magbaon ng chicken empanada from red ribbon, magsuot ng pule, etc. Kung makakagaan ng loob mo habang kumukuha ng exam, eh di sige lang.

Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Facebook

Twitter