Suot ang toga at hawak ang kunwaring diploma, mahirap bilangin kung ilang daang araw na nga ba ang lumipas mula nang una kang tumayo sa harap ni Lady Med. Natapos ka rin, sa wakas.
Kung pagpapatung-patungin ang mga libro at trans na iyong binasa, mas matangkad pa kaya sila sa iyo? Kung pagsasama-samahin ang lahat ng kapeng kinailangan mong inumin para magpuyat, puwede ka na kayang mag-swimming? Kung ang bawat pagpindot ng iyong kamay sa BP apparatus ay may bayad na piso, milyonaryo ka na kaya ngayon? Kung sa halip na pabalik-balik ka ng wards, ER, lab info, x-ray, NICU at kung saansaang referral drop box eh naglalakad ka nang diretso, nalibot mo na kaya ang buong Pilipinas?
Tama nga sila, mahirap maging doktor. Alam mo naman ‘yun, simula pa lang. Kaya’t nang dumating ang mga araw at gabing naisip mong sumuko, ang nagtulak sa iyo upang tumuloy ay ang kagustuhan mong maging manggagamot at ang mga taong naniniwala sa iyo.
Gusto mong maniwalang marami ka nang natutuhan. Marami ang umaasa sa iyo. Lalo na ang mga kamag-anak at mahal sa buhay na hindi kailanman mawawalan ng ubo’t sipon, sakit ng ulo at sakit ng tiyan. Pero higit sa mga kaalaman tungkol sa pagbibigay-lunas at pag-iwas sa sakit, mas marami kang natutunan tungkol sa iyong sarili.
Ang pagiging manggagamot ay hindi para sa mga mahina ang puso. Ang dalawang taong pagbabasa nang pagbabasa, pag-eexam nang pag-eexam at paminsan-minsang pagtingin sa pasyente ay hindi sapat na paghahanda para sa buhay-ospital. Ang drama ng bawat araw ay hindi kayang tumbasan ng kahit anong telenovela. Heto ang totoong buhay.
Kung kailan ka pagod na pagod, saka dadating ang isang pasyenteng dinudugo dahil uminom ng pampalaglag. Kung kailan hilung-hilo ka na, saka papasok ang isang guwardiyang kailangang tahiin ang anit dahil siya’y nadulas sa kalasingan. Ikaw ang magiging student-in-charge/bantay/manong ng isang palaboy na walang kamag-anak at nag-aagaw-buhay sa ER. Ipaliliwanag mo sa isang pasyenteng na-stroke (at sa kanyang mga kamag-anak) na kailangan nilang lumipat ng ospital dahil mahaba pa ang pila ng mga pasyenteng kailangan i-admit sa ward. Ipaiintindi mo sa mga magulang na hindi mo naman tinutusok ng karayom ang kanilang mga anak dahil gusto mo lang, kundi dahil kailangang maisalin ang dugo o maibigay ang gamot na maaaring masayang.
Natutuhan mo na sa bawat sitwasyon, maaari kang matutong magalit o matutong magpasensya. Natutuhan mong hindi ‘yun madali sa lahat ng pagkakataon. Natutuhan mong sadyang may mga taong mas mabait at may mga taong mas masama sa iyo. Natutuhan mong higit sa pagiging isang magaling na doktor, ay ang pagiging isang mabuti at magaling na doktor.
Kung iipunin ang lahat ng prutas, empanada, pipino, “Salamat, Dok,” at ngiting natanggap mo sa nakaraang limang taon, marahil, sulit na.
18 May 2008
University Theater
University of the Philippines – Diliman
always good to read you write ronbats 🙂
Thanks for the visit Ma’am Girlie! 🙂
Ronnie, hindi yata kasama sa RSS feed lahat ng laman ng Lightning Crashes.
The articles are posted as Pages kasi Randell. Kaya wala talaga sa feed. Hehe.
kuya roni. 🙂 isa ka po talagang alamat! 😀 ang lupit mo po sumulat 🙂 asa perps palang po tayo idol na kita. 😀 kabatch po ako ni shyne 🙂 and right now im taking up med din po. 🙂 you’re truly an inspiration kuya roni. 🙂 i love reading all your articles. 🙂 thank you so much for sharing them 😀 God bless you more Doc!=)
Thanks Jem. Good luck with med school! 🙂
Sir!
Parang dati lang first year Bio lang ako at hanggang ngayon nagbabasa pa rin ng blog niyo. Ang bilis ng panahon. Dagdag na ako sa mga doktor sa Tondo! Pero bago yan boards muna. 😉
Jay-R! Sabi ko nga, naalala ko pa yung jungle blog mo nun. Haha. Mabilis lang talaga, pero the weird thing is, even after you graduate, ang tingin mo sa sarili mo at sa mga kaklase mo, ganun pa rin. As a student, you put your residents and consultants on a pedestal, pero kapag kayo na ang nandun, parang wala namang nagbago. Enjoy your day tomorrow! Tama na muna ang aral. Hehe.