Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Ang Kamay

A

Dati-rati
Ipinanguguhit lang ng bahay
Panira ng laruan
Pangmano kay Itay
Kinukulayan ang mundo ng kasiyahan
Binibilang ng mga daliri bituin sa kalangitan.
Sino nga ba ang mag-aakala
Na ito’y mabibigyan ng pagkakataong
Makapaglingkod sa kapwa?

Sapagkat ngayon
Pagdaan ng pangarap at pagsisikap
Dadamputin ang steth at libro
Papasok na ako.

Ipanggugupit, ipantuturok
Ipansusundot, ipanghuhugot
Ipanghahaplos.
Ipampipisil, ipanlilinis
Ipantuturo, ipanghahagod
Ipanggagamot.

Bagamat sandali lamang
Pagtatagpo ng ating buhay
Ang kahusayan ng isip at pagkalinga ng puso
Nawa’y maipadama
Ng aking
Kamay.

Bawat araw
Patuloy ang pagsasanay
Pang-highlight ng libro
Panghanap ng mikrobyo
Itinataas sa klase kapag may hindi maintindihan
Mga gurong kamay ang nagsisilbing huwaran.
Sapagkat bakit nito sasayangin
Ang pagkakataong ibinigay upang
Makapaglingkod sa kapwa?

Kaya’t ngayon
Sa gitna ng pagpupuyat at paghihirap
Gagawin ang PE at history
Excited na mag-duty.

Ipantatahi, ipanghahawi
Ipanggigising, ipampapatulog
Ipanghahaplos.
Ipambubuhat, ipang-aakay
Ipansusukat, ipambabalot
Ipanggagamot.

Bagamat sandali lamang
Pagtatagpo ng ating buhay
Ang kahusayan ng isip at pagkalinga ng puso
Nawa’y maipadama
Ng aking
Kamay.

Pamunas ng pawis
Pamahid ng luha
Pandasal sa Maykapal
Panyakap kay Inay.

Kahit minsan
Nanginginig
Nanghihina
Napapagod
Ang kamay
Huwag mag-alala
Kailanma’y hindi nito pababayaan
Ang bigay Niyang
Buhay.

About the author

Ron Baticulon

Ronibats is a pediatric neurosurgeon, teacher, and writer. In 2018, he won a Palanca award for the title essay of his first book, "Some Days You Can't Save Them All," published by The University of the Philippines Press. You can follow him on Twitter @ronibats.

1 comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Ronibats.PH Stories of a Filipino neurosurgeon, teacher, and writer

Facebook

Twitter